CEMENT MIXER GINAWANG TAGUAN NG P6.4-M SMUGGLED YOSI

NASABAT ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) ang isang cement mixer truck na ginawang taguan ng hinihinalang smuggled cigarettes na aabot sa P6.4 milyon sa Matanog, Maguindanao del Norte.

Ayon kay PRO-BAR chief Jaysen de Guzman, nasita ang sasakyan sa routine checkpoint nang mapansin ang kahina-hinalang kilos ng driver at pahinante.

Sa inspeksyon, tumambad ang libo-libong reams ng sigarilyo na nahulog mula sa drum ng mixer—na kalauna’y umabot sa 7,550 reams batay sa bilang ng Bureau of Internal Revenue (BIR).

Walang maipakitang dokumento ang driver, dahilan para agad kumpiskahin ang kargamento at sasakyan.

Inatasan naman ni PNP Chief Jose Melencio Nartatez ang mas malalim na imbestigasyon, kabilang ang pagtukoy kung may iisang supply chain na kumakalat sa Luzon at Visayas.

Babala ni Nartatez, ang paggamit ng cement mixer bilang taguan ay indikasyon ng mas sopistikadong operasyon ng isang organisadong sindikato na umiiwas sa mga checkpoint.

(JESSE RUIZ)

136

Related posts

Leave a Comment