P300K NG CHINESE INMATE DINEKWAT SA BI JAIL?

BISTADOR ni RUDY SIM

TILA uhaw sa pagkakaperahan itong ilang mga tauhan ng warden facility ng Bureau of Immigration, na siyang nangangasiwa sa piitan para sa mga dayuhang inmates sa Bicutan at Munti kung saan ay nagiging dorobo na mismo ang hinayupak na mga tauhan dito.

Noong nakaraang Biyernes, March 13, ay nagsagawa umano ng inspection ang dalawang team leader sa Munti upang tingnan kung mayroong mga ilegal na kontrabando na nakalulusot sa kanilang mga selda. Ngunit ano itong narinig nating sumbong na isang Chinese inmate dito na matapos ang isinagawang inspection kuno ng dalawang BI employees na itatago natin sa pangalang “Martial Law” at “Payaman”, ay nawala ang P300K cash ng dayuhan?

Ito ba ay kasama sa ilegal na kontrabando na kailangang kumpiskahin pero ito ba ay legal at isinama sa incident report kung saan ay maaari pa itong mabawi ng dayuhan sa oras ng kanyang paglabas sa kulungan o ito ba ay sadyang napunta na sa bulsa ng dalawang kumag?

Teka, hindi ba’t balita natin ay itong si Deputa este Deputy Commissioner Nacnac na ang may hawak ng dalawang piitan ng BI? Bakit nalulusutan pa rin itong si General Sir? Sadyang wala kayang nakikita itong si General na dating sundalo mula sa AFP, o walang pakialam sa mga nangyayaring korupsyon sa kanyang pamunuan?

Nakahihiya lalo’t kaliwa’t kanan ang isyu ng korupsyon sa ating bansa tapos mayroon pang pangha-harass at pagnanakaw na nangyayari sa mga dayuhang nasa piitan. Tila walang pakialam ang mga magnanakaw na ito kung masira ang tingin sa ating bansa ng international community lalo ang Chinese Embassy, sa ginagawa sa kanilang mga kababayan.

General Sir, patunayan mo na hindi ka kagaya ng ibang opisyales ng AFP na sangkot sa bulok na sistema kung kaya’t ang ating kasundaluhan ay napag-iiwanan sa mga kagamitan kagaya na lamang ng iba nating sundalo na nagbubuwis ng buhay para lamang sa bayan kahit ang kanilang combat shoes ay butas na at ilan sa kanilang supplies ay sablay kung pumutok.

Nasa BI ka na Sir, kaya panibagong giyera ang iyong haharapin, ang talamak na korupsyon!

Abangan sa susunod kung sino itong mataas na opisyal ng BI ang hinakot sa ahensya ang halos lahat ng kanyang mga kamag-anak, maging ang mga kaanak ng kanyang misis?

(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

111

Related posts

Leave a Comment