PUNA ni JOEL O. AMONGO
TULOY-TULOY pa rin ang pagbulusok ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr., sa pinakabagong inilabas na survey ng Pulse Asia kamakailan.
Batay sa survey, lalo pang bumagsak sa -9% ang net trust rating ni BBM; trust 35, undecided 21, at 44 (no trust) o walang tiwala sa kanya ang mga Pilipino sa pinakabagong Pulse Asia survey.
Samantala, nananatili namang mataas si Vice President Inday Sara Duterte na nakapagtala ng +28% net trust rating, 54 sa (trust) tiwala, undecided 20, at 26 (no trust) walang tiwala sa kanya. Isinagawa ang survey ng Pulse Asia mula Pebrero 27 hanggang Marso 2, ng taong kasalukuyan.
Kung dati ay may nagsasabi na may Solid North pa para sa mga Marcos, ngayon ay tuluyan na itong nawasak.
Sa katunayan, si dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson ay isa na ngayon sa mga bumabatikos sa katiwalian ng administrasyon ni Bongbong Marcos Jr.
Maging si Reina Mercedes, Isabela Vice Mayor Atty. Harold Respicio ay hayagan din ang pagbatikos sa korupsyon sa ilalim ng administrasyon ni BBM.
Naniniwala rin si Atty. Respicio sa ibinulgar ni dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co, na si Junjun Marcos ang mastermind sa korupsyon sa pamahalaan na nagsimula noong 2023, 2024 hanggang 2025.
Kung ano ang pananaw nina Singson at Atty. Respicio hinggil sa katiwalian ng administrasyon ni BBM ay ganoon din ang pananaw ng kampo ni VP Sara Duterte.
Kung nawasak na ang dating ipinagmamalaking Solid North ng mga Marcos, ngayon ay nabuo naman ang Solid Visayas Mindanao (VisMin) para kay Vice President Inday Sara Duterte.
Unang nagpahayag ng pagsuporta sa kandidatura ni VP Sara Duterte ang One Bangsamoro Movement mula sa Mindanao.
Ayon sa kanila, ikinatuwa nila ang pahayag ni VP Sara Duterte kamakailan na sigurado na siyang tatakbo sa 2028 presidential election.
Naniniwala sila na si VP Sara lang ang tunay na nagmamahal sa mga Muslim tulad kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na ama ng pangalawang pangulo, na nasa The Hague, The Netherlands ngayon.
Kamakalawa, lumutang naman ang Cebu Alliance for Duterte 2028 na nagbanta sa Cebu congressmen na sasama sa mga gustong magpa-impeach kay VP Sara Duterte, na hindi makakukuha ng kanilang boto sa 2028 elections.
Habang nalalapit ang 2028 presidential election ay lalo namang lumakas si VP Sara Duterte na pinatunayan pa ng pinakabagong survey na inilabas ng Pulse Asia.
Sa 2028 presidential election din ipararamdam ang galit ng mga Pilipino sa mga nagnakaw sa kaban ng bayan sa pamamagitan ng paglaglag o hindi pagboto sa mga idinadawit sa korupsyon at sa mga iendorso ni PBBM.
Kabilang sa mga pasimuno na itinuturong utak sa nakawan sa kaban ng bayan ay si BBM at pinsan nitong si dating Speaker Martin Romualdez
Samantala, nagpahayag naman ang National Unity Party (NUP) na may 40 kongresista ngayon sa House of Representatives, na sa susunod na mga araw ay posibleng kumalas sa mayorya ng Kamara na pinamumunuan ni Speaker Bojie Dy.
Dismayado naman ang kampo ni Antipolo, Rizal First District Rep. Ronaldo Puno ng NUP, sa pamumuno ni Speaker Boggie Dy.
Si Dy ang ipinalit kay dating Speaker Martin Romualdez matapos itong magbitiw sa pwesto dahil sa pagkakadawit sa flood control projects anomalies.
oOo
Para sa reaksyon at suhestiyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com
110 