INIUTOS ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Joel Anthony Viado ang imbestigasyon kaugnay ng ulat ng media hinggil sa umano’y insidente ng pangingikil sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
“Sineseryoso namin ang mga alegasyong ito,” ani Viado. “Mahigpit ang patakaran ng Kawanihan laban sa anumang uri ng maling gawain, kabilang ang paghingi ng hindi awtorisadong bayad at hindi tamang pagtrato sa mga dumarating na pasahero,” dagdag niya.
Ayon kay Viado, inatasan niya ang agarang pagsasagawa ng fact-finding investigation, kabilang ang pagtukoy sa mga tauhang naka-duty, gayundin ang pagpreserba at pagsusuri ng lahat ng CCTV footage at mga kaugnay na rekord.
“Kung susuportahan ng ebidensya ang mga alegasyong ito, hindi kami mag-aatubiling magsampa ng kaukulang kasong administratibo at kriminal laban sa mga sangkot,” aniya.
Hinikayat din ng opisyal ang sinumang may direktang kaalaman sa umano’y maling gawain ng mga tauhan ng BI na makipag-ugnayan sa kanyang tanggapan upang masusing maimbestigahan ang insidente.
“Walang puwang ang mga kilos na sumisira sa integridad ng aming institusyon at sa tiwala ng publiko. Tulad ng aming ginawa noon, haharapin ng mga nagkasalang tauhan ang pinakamabigat na parusa. Walang lugar ang korapsyon sa Bagong Immigration na ating isinusulong,” babala ni Viado.
(JOCELYN DOMENDEN)
96 