TINIYAK ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mananatiling normal ang pamumuhay ng mga Pilipino sa kabila ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis dulot ng tensyon sa Gitnang Silangan.
“Sana matapos na ang giyera, at habang may giyera pa rin, eh normal pa rin ang buhay ng ating… lalo na ‘yung mga manggagawa,” pahayag ng Pangulo sa panayam sa Mariveles, Bataan.
Aminado si Marcos na patuloy pang inaayos ng pamahalaan ang mga hakbang upang maibsan ang epekto ng oil price hike, kabilang ang posibleng subsidiya sa mga apektadong sektor.
“So, we are trying to find different methods para makapagbigay ng subsidy… The problem is masyadong malikot ang presyo ng langis. Hindi natin ma-anticipate,” aniya.
Gayunman, tiniyak ng Chief Executive na gagawin ng gobyerno ang lahat upang “ma-soften the blow” at hindi mabigla ang publiko sa patuloy na pagtaas ng presyo.
Nauna rito, naglunsad ng nationwide transport strike ang grupong Piston at Bagong Alyansang Makabayan bilang protesta sa oil price hike.
Nagtipon ang mga raliyista sa Welcome Rotonda bago simulan ang kilos-protesta na nakaapekto sa ilang pangunahing ruta.
Kabilang sa kanilang panawagan ang pagtanggal ng VAT at excise tax sa langis, rollback sa P55 kada litro, dagdag-pasahe, dagdag-sahod, at cost-of-living subsidy.
Samantala, inatasan ng Pangulo ang pagpapaliban sa taas-pasahe at ang pagpapatupad ng libreng sakay upang maibsan ang hirap ng mga commuter.
Sa gitna ng lumalalang tensyon na kinasasangkutan ng United States, Israel at Iran, ikinokonsidera rin ng pamahalaan ang iba pang hakbang gaya ng four-day workweek sa gobyerno at ayuda sa transport sector.
(CHRISTIAN DALE)
57 