CLICKBAIT ni JO BARLIZO
PISO na nga lang, napurnada pa.
Ayan, naudlot ang pampalubag-loob nang iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na suspendihin ang pagpapatupad ng dagdag-singil sa pamasahe sa mga pampublikong transportasyon.
Paano pakakalmahin ang galit ng mga apektado ng malakihang taas-presyo?
Hindi raw ito ang tamang panahon para magtaas ng pamasahe sa mga pampublikong sasakyan habang nagpapatuloy ang kaguluhan sa Gitnang Silangan. Ayon iyan sa Pangulo na nanawagan na ng bayanihan at pagkakaisa.
Tingin ko, okay na rin na hindi muna ituloy ‘yang dagdag-pasahe kasi sa totoo lang, wala namang masaya d’yan. Syempre unang umaalma ang mga mananakay. Sa hirap ng buhay ngayon, bawat sentimo ay iniinda.
Kahit naman iyong transport groups ay dismayado rin. Nung ianunsyo nga na magdaragdag ng piso sa traditional at P2 sa modern jeepney, tila umismid pa ibang tsuper dahil kapiranggot daw.
Pero nung magpreno ang Malacañang sa taas-presyo, nagdabog ulit ang mga tsuper. Konting dagdag na nga lang daw pinigil pa. Ano ba talaga, mga kuya?
Heto, habang walang dagdag-pasahe ikinasa naman ang ayuda sa transport workers.
Ayon sa DBM, nasa P2.49 billion ang inilaan sa Department of Transportation (DOTr) para sa Fuel Subsidy Program, na magkakaloob ng ayuda sa mga driver at operators.
Layunin nito na matulungan ang mga driver na patuloy na bumiyahe nang hindi ipinapasa ang buong gastos sa komyuter.
Ang naturang halaga ay bahagi ng P21.47 bilyong pondo na iniutos ng Pangulo na ilabas para sa fuel subsidy at proyektong imprastraktura ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Kaso, masustinihan kaya ng pondo ang ayuda kapag tumagal pa ang sigalot sa Middle East?
May napipinto na namang mega oil price hike ngayong linggo – na posible umanong umabot ng P130 kada litro ang krudo, at lagpas P100 kada litro ang gasolina.
Posible raw kasing tumaas pa ng P14.00 hanggang P14.50 kada litro ang dagdag, habang sa gasolina ay P7.00 hanggang P7.50 kada litro.
Kalbaryo na ang buhay kaya kailangang dumiskarte lalo ngayong darating na Semana Santa na tiyak uwian na naman sa mga probinsya.
Malamang mas pipiliin ng iba na mamasahe o sumakay na lang sa bus kaysa dalhin sariling sasakyan. Menos gastos sa petrolyo nga naman.
Ang siste, baka magdiyeta rin sa bus ang mga operator dahil sa sobrang taas ng presyo ng petrolyo.
Pero, may good news. May ilang may-ari kasi ng gasolinahan na ibinaba ang presyo ng diesel at gasolina.
Noong Marso 20, ipinatupad ng PetroGazz ang P5.00 kada litro na baba-presyo ng diesel at gasolina sa mga station nito sa Mindanao Ave, Quezon City; Paranaque; Moonwalk, Paranaque;
Barangka, Mandaluyong; Llano Caloocan at Fortune Valenzuela.
Nagbawas presyo rin ang Pamilya Pangilinan sa kanilang gasolinahan upang makatulong sa kanilang komunidad.
Sana, ganito ang layunin ng mga oil firm para sa kapakanan ng mamamayan na higit na nangangailangan.
Sa panahon ngayon, paano pa magiging masaya ang mga Pilipino?
Malamang ‘yung 33% na mga Pinoy, na ayon sa isang survey na isinagawa noong Nobyembre 24 hanggang 30, 2025 ay very happy sa kanilang buhay, ay nabawasan ngayong ginugulpi tayo ng presyo ng produktong petrolyo.
70 