PINANGUNAHAN nina MMDA Chairman Don Artes, DPWH Sec. Vince Dizon, at San Juan City Mayor Francis Zamora ang pulong ng Metro Manila Council nitong Martes sa Pasig City, kung saan tinalakay ang truck ban, exemption ng fuel trucks sa Unified Vehicular Volume Reduction Program, at ang Oplan Kontra Baha sa Greater Metro Manila. (DANNY QUERUBIN)
INAPRUBAHAN ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at mga alkalde ng Metro Manila ang isang resolusyon na muling nagpapatibay ng exemption sa Unified Vehicle Volume Reduction Program (UVVPR) o number coding at truck ban para sa mga fuel truck, pati na rin ang pagsama sa exemption ng mga cargo truck na may dalang essential goods, sa gitna ng nagpapatuloy na tensyon sa Middle East.
Ayon kay MMDA Chairman Don Artes, tugon ang resolusyon sa kahilingan ng Department of Energy (DOE) at Department of Trade and Industry (DTI) upang mapabilis ang transportasyon ng produktong petrolyo at mahahalagang bilihin.
“This would ensure the unimpeded movement of energy sources and ease the mobility of goods amid the rising price of fuel products,” ani Artes sa pulong ng Metro Manila Council na ginanap sa MMDA Head Office sa Pasig City.
Makikipag-ugnayan ang MMDA sa DTI upang tukuyin kung anu-anong essential goods ang sakop ng exemption.
Magkakabisa ang resolusyon matapos mailathala sa hindi bababa sa dalawang pahayagang may malawak na sirkulasyon.
Samantala, nagbigay ng update si Vince Dizon, Kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH), hinggil sa “Oplan Kontra Baha,” isang flood mitigation program ng administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr..
Hinimok ni Dizon ang mga alkalde sa Metro Manila na tukuyin ang mga prayoridad na flood-prone areas sa kani-kanilang lugar.
Isasagawa ang pinaigting na declogging ng drainage systems, dredging at paglilinis ng mga daluyan ng tubig, pagtanggal ng mga bara, at maayos na pamamahala ng basura bago ang tag-ulan.
“In the second round of our operations, we will declog priority local roads. We will send equipment, manpower, and resources to areas identified by the Metro Manila mayors,” ani Dizon.
Dagdag pa niya, dapat maging operational ang mga pumping station na hindi gumagana bago dumating ang tag-ulan, alinsunod sa utos ng Pangulo.
Hinimok din niya ang mga alkalde na magsumite ng kahilingan para sa mga bagong pumping station sa mga lugar na nangangailangan nito.
Nagpasalamat naman si San Juan Mayor Francis Zamora, Pangulo ng Metro Manila Council, kay Pangulong Marcos Jr. sa mga programang naglalayong maiwasan ang pagbaha at mapabilis ang mga nakabinbing infrastructure projects.
Kaugnay ng paghahanda para sa Semana Santa, sinabi ni MMDA General Manager Nicolas Torre III na magde-deploy ang ahensya ng 2,476 personnel sa mga pangunahing kalsada, transport hubs, at iba pang kritikal na lugar sa National Capital Region (NCR).
“We will enforce a no day-off and no-absent policy for all traffic and field personnel when heavy traffic is expected due to the Holy Week exodus,” ani Torre.
Kabilang sa mga tututukan ang mga terminal, pantalan, paliparan, at mga kalsadang patungo sa mga simbahan.
Inanunsyo rin ang suspensyon ng number coding sa NCR simula alas-12 ng tanghali ng Abril 1.
Awtomatikong wala ring coding tuwing Maundy Thursday at Good Friday (Abril 2 at 3) bilang regular holidays.
Papayagan din ang mga provincial bus na dumaan sa EDSA mula alas-9 ng gabi ng Abril 1 hanggang alas-6 ng umaga ng Abril 6. Ang mga bus mula sa timog ay magtatapos sa PITX, habang ang mga mula sa hilaga ay sa Cubao terminal.
(DANNY QUERUBIN)
92 