DAPAT magdeklara na ang gobyerno ng state of national emergency sa gitna ng epekto ng kaguluhan sa Middle East.
Ito ang iginiit ni Senador Bam Aquino sa pagdinig ng ad hoc committee sa sitwasyon ng bansa.
Sinabi ni Aquino na mahigit P100 na ang presyo ng bawat litro ng petrolyo at ramdam na ramdam na ng mga pamilya ang epekto ng pagtaas ng presyo ng bilihin na nagsimula bago pa nangyari ang gulo sa Middle East.
Sinabi ni Aquino na kapag naideklara na ang state of national emergency, bibilis ang tugon ng gobyerno sa krisis gaya ng pag-regulate sa presyo ng mga pangunahing bilihin.
Ikinairita naman ng mga senador ang hindi pagsipot ni Energy Secretary Sharon Garin sa pagdinig at ipinadala lamang ang kanyang mga undersecretary.
Iginiit nina Senators Francis Pangilinan, Sherwin Gatchalian at Loren Legarda na mahalagang marinig mismo sa kalihim ang mga hakbang na ipatutupad para labanan ang krisis sa bansa.
Ikinagalit ni Legarda na kapag nanghihingi ng budget ang mga ahensya ay nagpupuyat sila sa Senado subalit sa panahon ng krisis ay hindi sila maasahan.
Pasado ala-1:00 naman ng hapon, dumating si Garin sa pagdinig at humarap sa mga senador.
(DANG SAMSON-GARCIA)
106 