NANGANGAMBA ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na may mga botanteng Pilipino pa ring maaaring pumili ng mga kandidatong hayagang pumapanig sa China sa darating na 2028 elections.
Aminado ang isang senior military official na malaking hamon ngayon ang pagpapalawak ng kaalaman ng publiko hinggil sa usapin sa West Philippine Sea.
Ayon kay Philippine Navy spokesperson on West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, layon ng kampanya ng AFP na “Mulat” at transparency initiatives na maipaunawa sa bawat Pilipino ang bigat ng isyu.
“These issues are intergenerational… and existential, meaning our existence as a country,” babala ni Trinidad, sabay diin na nakasalalay sa kaalaman ng mamamayan ang magiging direksyon ng bansa.
Sa monitoring ng Philippine Navy, umabot sa 49 barko ng China ang namataan sa iba’t ibang bahagi ng WPS mula Marso 15 hanggang 22.
Pinakamarami ang naitala sa Bajo de Masinloc, kasunod ang Ayungin Shoal, Escoda Shoal, at Pag-asa Island.
Tiniyak naman ng AFP na tuloy-tuloy ang kanilang pagbabantay sa soberanya ng bansa alinsunod sa international law.
(JESSE RUIZ)
106 