ISANG kasapi ng teroristang communist New People’s Army ang naaresto ng tropa ng pamahalaan sa gitna ng operasyon ng militar na tumapat sa anibersaryo ng grupo noong Linggo sa San Jose, Occidental Mindoro.
Sinasabing malaking dagok ito sa NPA dahil natamaan sila mismo sa kanilang anibersaryo.
Subalit isang junior Army Officer ang nasawi habang dalawa pang sundalo ang nasugatan sa nangyaring sagupaan sa Barangay Monteclaro kung saan nakarekober ang tropa ng isang M16 rifle, granada, at mga bahagi ng IED.
Sa engkwentro, nasawi si 1st Lieutenant Dean Oyando habang matapang na pinamumunuan ang kanyang yunit. Dalawa pang sundalo ang nasugatan, isa sa kanila ay dinala sa AFP Medical Center (AFPMC) para sa karagdagang gamutan.
Ayon kay Colonel Michael Aquino ng 2nd Division Public Affairs Office, tuloy-tuloy ang ginagawa nilang operasyon upang pahinain ang kakayahan ng NPA na makapaglunsad ng opensiba.
Binigyang-pugay naman ni 2ID Commander Major General Ramon “Demi” Zagala ang sakripisyo ni Lt. Oyando na nag-alay ng buhay para sa kapayapaan.
Ayon sa paunang ulat mula sa 203rd Infantry (Bantay Kapayapaan) Brigade, nagsasagawa ng pursuit operations ang mga sundalo ng 68th Infantry (Kaagapay) Battalion sa Sitio Salafay, Barangay Monteclaro nang makasalubong nila ang humigit-kumulang 15 NPA. Nagresulta ito sa engkwentro na tumagal ng halos 20 minuto bago tumakas ang armadong grupo.
Ang naturang sagupaan ay kasunod ng naunang bakbakan noong Marso 24 sa parehong barangay na kinasangkutan din ng parehong yunit, kung saan nakarekober ng isa pang baril at nakakita ng mga bakas ng dugo na indikasyon ng posibleng may mga sugatan sa panig ng kalaban.
(JESSE RUIZ)
92 