ISANG police officer ang napatay kasama ang isa pang lalaki ilang oras bago ang naganap na ambush sa Maguindanao del Sur na ikinasawi ng limang tauhan ng Philippine National Police Mobile Force Battalion, ayon sa ulat.
Kinilala ang nasawing pulis na si Police Corporal Walid Sancopan, 42, residente ng Bayang, Lanao del Sur.
Sa report na ibinahagi ni Capt. Steffi Salanguit, spokesperson ng Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region, binaril ng riding-in-tandem gunmen si Sancopan sa Barangay Paglamatan, Saguiaran, Lanao del Sur bandang ala-1:45 ng madaling araw noong Marso 28.
Nasawi rin ang kasama nitong kinilalang si “Alias JR,” residente ng Bukidnon, matapos pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang salarin na lulan ng motorsiklo.
Ayon sa ulat, sakay ng kulay abong Toyota Innova (plate no. ZTV289) ang mga biktima nang tambangan ng mga suspek gamit ang kalibre .45 na pistola.
Patuloy ang isinasagawang operasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin at ang motibo sa pamamaril.
(JESSE RUIZ)
102 