INARESTO ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang isang babaeng supervisor ng gasolinahan sa bisa ng warrant of arrest kaugnay ng 60 counts ng kasong qualified theft, matapos umano itong makakulimbat ng ₱57 milyon mula sa kita ng isang gasolinahan sa Maynila.
Batay sa reklamo ng isang HR officer ng manpower agency na naka-deploy sa gasolinahan sa Taft Avenue, nadiskubre ang umano’y anomalya noong Marso 2024 nang mapansin ng accountant at auditor ang discrepancies sa mga isinumiteng ulat ng suspek.
Sa isinagawang pagsusuri ng records, lumitaw na mula Marso 2024 hanggang 2025 ay umabot sa ₱57 milyon ang nawawala sa kita ng kumpanya.
Ayon sa complainant, ang suspek na tubong Cagayan ay may kontrol sa operasyon ng istasyon, kabilang ang sales, vault, at pagdeposito ng arawang kita sa bangko.
Sinabi pa na umaabot sa ₱800,000 ang kita ng gasolinahan kada araw, ngunit umano’y ₱200,000 lamang ang idinedeposito ng suspek, habang ang natitirang ₱600,000 ay kinukulimbat nito.
Isinagawa ang operasyon ng MPD Warrant and Subpoena Section pasado ala-una ng hapon matapos matukoy ang kinaroroonan ng suspek.
Ayon kay Police Major Atty. Jake Serrano Arcilla, aabot sa ₱2,880,000 ang kabuuang piyansa para sa 60 kaso ng qualified theft.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang suspek hinggil sa mga paratang.
(JULIET PACOT/JOCELYN DOMENDEN)
141 