TINIYAK ng Malacañang na hindi isusuko ng Pilipinas ang anomang interes nito sa West Philippine Sea (WPS) kapalit ng posibleng joint oil at gas exploration sa China.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, mananatiling maingat ang pamahalaan sa pakikipag-usap upang maprotektahan ang interes ng bansa at ng mamamayan.
“Walang mawawalang interes, walang ipamimigay na interes,” ani Castro.
Sinabi rin niya na bukas ang Pilipinas sa usapin ng joint exploration, ngunit igigiit nito ang karapatan nito sa WPS.
Nauna nang nagkaroon ng pulong ang Pilipinas at China sa 24th Foreign Ministry Consultations at sa 11th Meeting of the Bilateral Consultation Mechanism on the South China Sea noong Marso 27 at 28 sa Quanzhou City, Fujian Province.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), nagkaroon na ng paunang talakayan ang dalawang bansa hinggil sa posibleng oil and gas cooperation.
(CHRISTIAN DALE)
96 