23-ANYOS TIMBOG SA SHABU SA QC

KALABOSO ang isang 23-anyos na lalaki matapos mahulihan ng ilegal na droga o shabu nang sitahin ng mga pulis dahil sa kahina-hinalang pag-iwas sa mga awtoridad sa D. Tuazon Street, Brgy. Lourdes, Quezon City nitong Huwebes Santo.

Sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD) Station 1-Laloma, kinilala ang suspek na si “Jeyden,” isang helper at residente ng naturang barangay, na kasalukuyang nakapiit sa himpilan ng pulisya.

Ayon kay Bryan Soriano, imbestigador ng Laloma Police Station 1, nadakip ang suspek bandang alas-4:30 ng hapon habang nagsasagawa ng operasyon ang Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa lugar.

Nauna rito, nakatanggap umano ng impormasyon ang pulisya hinggil sa talamak na bentahan ng ilegal na droga sa nasabing lugar, kaya agad nag-deploy ng mga operatiba upang beripikahin ang ulat mula sa isang confidential informant.

Habang nagsasagawa ng covert operation, napansin ang suspek na tila umiiwas sa mga pulis, dahilan upang siya ay sitahin. Sa isinagawang inspeksyon, nadiskubre sa kanyang pag-iingat ang hinihinalang shabu.

“Halos umiwas ‘yan suspek sa mga pulis natin dahilan para maghinala na may dala ito, kaya agad sinita at nakuha sa kanyang pag-iingat ang ilegal na droga” ayon kay Pat. Soriano.

Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 habang nananatiling nakapiit sa kustodiya ng pulisya.

(PAOLO SANTOS)

137

Related posts

Leave a Comment