PATAY ang isang ginang at sugatan naman ang isa sa dalawang anak nito sa nangyaring umano’y pangho-hostage ng kanyang mister dakong alas-11:30 ng umaga sa Sta. Isabel Subdivision, Havila, Brgy. Mahabang Parang, Angono, Rizal noong Sabado, Abril 4, 2026.
Ayon sa inisyal na impormasyon ng mga awtoridad, patay na ang biktimang babae nang matagpuan ng mga pulis sa kanilang bahay nitong Linggo ng umaga.
Kinilala ni PCol. Eleazar Barber, provincial director ng Rizal Provincial Police Office (Rizal PPO), ang biktimang si Ma. Lourdes Santos, anak nitong sugatan na si alyas “Dwayne”, 15, at kapatid nitong si alyas “Kyle”, 12, walang pinsala.
Batay sa report, sinaksak umano sila ng suspek na si Jeremy Santos na ama at asawa ng mga biktima, sa hindi pa malamang dahilan.
May alegasyon na ginilitan ng leeg ang biktima at nagsaksak din sa sarili ang suspek na parehong hindi pa kinukumpirma ng mga awtoridad.
Nang pumasok sa bahay ang mga pulis, natagpuan din nila ang asawang lalaki na nakahandusay sa banyo na naghihingalo at kaagad na isinugod sa ospital.
Pinaniniwalaang problema sa pinansiyal ang ugat ng nasabing insidente, batay na rin sa pakikipag-usap ng mga awtoridad sa mga kamag-anak ng suspek at mga biktima.
Sasampahan ng mga kasong parricide, frustrated parricide at attempted parricide ang suspek na inihahanda na para ihain sa Rizal Provincial Prosecutor’s Office.
(NEP CASTILLO)
252 