PUNA ni JOEL O. AMONGO
SINO ba ang ipinagtatanggol ni Department of Energy (DOE) Secretary Sharon Garin sa pagsasabing walang overpricing sa langis, ang oil companies ba o sambayanang Pilipino?
Kamakailan, nagsagawa ng pagdinig ang House of Representatives na pinamunuan ni ACT Party-List Rep. Antonio Tinio, kaugnay sa sobra-sobrang pagtataas ng presyo ng mga produktong petrolyo matapos na pumutok ang giyera sa Gitnang Silangan.
Naungkat sa pagdinig ng Kamara, na ang Pilipinas ang isa sa mga bansa sa buong mundo na may pinakamataas na presyo ng langis.
Sa dokumentong hawak ni Rep. Tinio, nakatala na ang Pilipinas ay may pinakamataas na presyo ng mga produktong petrolyo sa buong mundo.
Natanong si Sec. Garin ng isang mambabatas kung may overpricing ba sa langis? Direktang sinagot nitong “WALANG OVERPRICING SA LANGIS” sa Pilipinas.
Dahil dito, maraming nagduda kay Sec. Garin, sino raw ba ang ipinagtatanggol nito, ang mga Pilipino ba o mga kumpanya ng langis?
Nauna nang isiniwalat ni Sen. Rodante Marcoleta sa pagdinig ng Senado, na kumita ng mahigit sa tatlong bilyong piso (P3 Billion) kada araw ang mga kumpanya ng langis, simula nang pumutok ang giyera sa Gitnang Silangan.
Mula sa dating presyong P45 hanggang P60 kada litro ng diesel, ay umakyat ito ngayon sa P140 kada litro.
Ayon pa kay Marcoleta, sobra-sobrang patong ang ginawa ng oil companies sa bansa sa presyo ng kanilang mga produktong petrolyo.
Napag-alaman pa ni Marcoleta na ang ibinebentang mga produktong petrolyo ng oil companies sa bansa ay dati pa nilang stocks na nabili nila sa mababang presyo, subalit ipinasa nila ito sa kanilang mga kustomer sa sobrang mahal na presyo kung kaya’t kumita ang mga ito ng limpak-limpak na tubo.
Imbes na suriin o alamin ni Sec. Garin kung bakit ganoon kataas ang presyo ng mga produktong petrolyo, nang dumalo siya sa pagdinig ng Kamara ay iginiit pa nito sa harapan ng mga kongresista at milyong Pilipinong nanood ng nasabing pagdinig, na “WALANG OVERPRICING SA PRESYO NG LANGIS.”
Kamakailan, si Sec. Garin din ang itinuturo ni Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro, na nagsabi na “WALA PANG KRISIS SA LANGIS” ang bansa sa kabila na nasa P120 na ang presyo ng diesel kada litro.
Ang pahayag ni Castro ay ikinagalit ng mga senador partikular si Senator Loren Legarda, na mistulang binabalewala ang krisis sa langis na lahat ng mga Pilipino ay naghihikahos na dahil sa walang tigil na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Sa pinakabagong lumabas na balita, nag-iba na ang tuno ni Garin, pinaiimbestigahan na niya ngayon sa Philippine Competition Commission (PCC) ang posibleng sabwatan ng mga kumpanya ng langis na naging dahilan ng pagsirit ng presyo nito.
Kaya ngayon nagdududa ang mga Pilipino na ang pinaglilingkuran ni Garin ay ang oil companies sa halip na ang sambayanang Pilipino.
Nag-isip tuloy ang mga Pilipino na baka may nahatiran na naman ng male-maletang pera mula sa malakihang patong sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Nabanggit din ni Sen. Marcoleta sa pagdinig ng Senado, na mas malaki ang kinita ng mga kumpanya ng langis sa kanilang agarang pagtataas ng presyo ng kanilang mga produktong petrolyo, kung ikukumpara sa mga idineliber ng 18 dating mga sundalo sa korap na mga opisyal at politicians sa Pilipinas.
Ngayon nananawagan ang mga Pilipino na kung hindi kayang ipinagtanggol nina Castro at Garin ang kapakanan ng mamamayan laban sa mga mapagsamantalang tao, ay mas makabubuti na magbitiw na lamang silang dalawa sa kani-kanilang pwesto.
-oOo-
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.
79 