PINAWALANG-SALA ng Korte Suprema ang isang lalaki na inaresto at nakulong matapos maaktuhang may dalang kutsilyo noong 2018 elections.
Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Henri Jean Paul Inting, sinabi ng Korte Suprema na hindi napatunayan ang paglabag sa Section 261(p) ng Omnibus Election Code.
Nilinaw ng SC na ang pagbabawal sa pagdadala ng armas tuwing eleksyon ay pangunahing tumutukoy sa mga baril at reguladong armas, at hindi agad saklaw ang mga patalim tulad ng kutsilyo.
Gayunman, sakop lamang ng pagbabawal ang mga kutsilyo kung ito ay dala sa loob o pasok sa 100 metro mula sa isang voting precinct sa panahon ng eleksyon.
Sa kaso ng akusado, bagama’t napatunayang may dala siyang kitchen knife, walang ebidensya na siya ay nasa loob o malapit sa voting precinct nang siya ay arestuhin.
Una nang hinatulan ng Regional Trial Court at Court of Appeals ang lalaki, ngunit binaligtad ito ng Korte Suprema matapos makita na kulang ang ebidensya ng prosekusyon upang patunayan ang lahat ng elemento ng krimen.
Binigyang-diin ng SC na hindi tulad ng baril na ipinagbabawal sa lahat ng pampublikong lugar sa panahon ng eleksyon, ang mga patalim ay may limitadong saklaw lamang ng pagbabawal.
(JULIET PACOT)
119 