KABUHAYAN NG MGA MANGINGISDA AT MAGSASAKA, DAPAT MATUGUNAN KAHIT MALUGI ANG GOBYERNO – SEN. BONG GO

TARGET ni KA REX CAYANONG

SA gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at mga bilihin, muling nabibigyang-diin ang kahalagahan ng sektor ng agrikultura at pangisdaan sa bansa.

Sabi nga, sila ang gulugod ng food security ng Pilipinas—ang mga magsasaka at mangingisda na araw-araw ay nagsusumikap upang may maihain sa hapag ng bawat pamilyang Pilipino.

Ngunit sa kabila ng kanilang mahalagang papel, tila sila pa ang higit na naaapektuhan ng krisis.

Habang tumataas ang presyo ng pagkain sa merkado, kabaligtaran naman ang nangyayari sa kanilang kita, patuloy itong bumababa at nagdudulot ng matinding pangamba sa kanilang kabuhayan.

Sa ganitong konteksto, umalingawngaw ang pahayag ni Sen. Bong Go na dapat tugunan ng pamahalaan ang pangangailangan ng mga magsasaka at mangingisda—kahit pa mangahulugan ito ng pagkalugi sa panig ng gobyerno.

Isang matapang at makataong paninindigan na naglalayong unahin ang kapakanan ng mga nasa laylayan.

Ang ganitong pananaw ay hindi simpleng pahayag. Ito ay repleksyon ng isang mas malalim na reyalidad—na kung pababayaan ang sektor na bumubuhay sa ating bansa, mas malaki ang magiging kapalit nito sa hinaharap.

Ang kakulangan sa pagkain ay hindi lamang usaping ekonomiya, kundi usapin ng pambansang seguridad.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Agriculture, malinaw na nailahad ang matinding epekto ng global oil crisis. Hindi lamang gasolina ang tumataas ang presyo—kundi pati ang gastos sa produksyon, transportasyon, at distribusyon ng pagkain.

Dahil dito, marami sa ating mga magsasaka at mangingisda ang nagdadalawang-isip kung ipagpapatuloy pa ang kanilang hanapbuhay. Ang ilan ay napipilitang tumigil, habang ang iba naman ay baon sa utang upang maitawid lamang ang araw-araw na gastusin.

Kaya mahalaga ring tiyakin na ang mga benepisyo ay direktang nararamdaman ng mga magsasaka at mangingisda—hindi lamang sa papel, kundi sa aktwal na pagbaba ng kanilang gastos at pagtaas ng kanilang kita.

105

Related posts

Leave a Comment