INAMIN ng isang self-confessed bagman na nagsilbi siyang “dummy” sa umano’y paglipat ng milyun-milyong piso sa panahon ni dating pangulong Rodrigo Duterte.
Sa pagharap ni Ramil Madriaga sa House Committee on Justice impeachment hearing, ibinunyag nitong ilang bank accounts ang nabuksan sa kanyang pangalan kahit hindi siya personal na nagpunta sa bangko.
Upang patunayan ang kanyang pahayag, pumirma si Madriaga ng waiver sa ilalim ng Bank Secrecy Law.
“Despite only earning One Hundred Thousand Pesos to One Hundred Fifty Thousand Pesos from my services to PRRD, millions of pesos went through bank accounts opened for me by close associates of PRRD,” ani Madriaga.
“I admit that during PRRD’s term as President, I served as a dummy for the transfer of large amounts of money,” dagdag pa nito.
Ayon sa kanya, may mga account sa Makati, Pasig at Pampanga at pinapirma rin siya ng mga blangkong tseke.
“I was later instructed to sign entire checkbooks where the amounts and payees are left blank,” saad niya.
Isiniwalat din ni Madriaga ang umano’y pag-withdraw ng P100 milyon mula sa isang bangko sa Lubao, Pampanga na dinala sa Malacañang, gayundin ang dalawang Landbank manager’s check na nagkakahalaga ng P89 milyon na idineliver sa isang safehouse sa Eastwood, Quezon City.
Noong 2021, sinabi rin niyang binigyan siya ng P25 milyon ni Duterte para ipambili ng motorsiklo para kay Sara Duterte, na kalauna’y nairehistro sa pangalan ng kanyang anak.
Sa kanyang affidavit, sinabi ni Madriaga na ipinakilala siya kay Duterte ni dating Parañaque Rep. Roilo Golez noong 2015 o 2016, bago siya naitalaga bilang counter-intelligence agent sa National Security Council at kalaunan ay naatasang sumama sa kampo ni VP Sara Duterte.
(TINA MENDOZA)
97 