IMBESTIGASYON SA PLOT VS PBBM BAHALA NA NBI — MALACAÑANG

IPINAUBAYA na ng Malacañang sa National Bureau of Investigation (NBI) ang imbestigasyon sa umano’y planong pagpapatalsik o pagpaslang kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr..

Ito ay kaugnay sa rebelasyon ni Ramil Madriaga laban kay dating pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro, mandato ng NBI na imbestigahan ang ganitong uri ng banta, kaya’t hindi na kinakailangan ng direktang utos mula sa Pangulo.

“So, hindi na po kailangang mag-utos ng Pangulo… may obligasyon po kayong imbestigahan ito,” ani Castro.

Dagdag pa niya, aalamin pa ng Malacañang ang buong katotohanan sa alegasyon, at inaming wala siyang personal na kaalaman dito—ganoon din ang Pangulo.

Sa kanyang supplemental affidavit, inakusahan ni Madriaga si Duterte na umano’y nagplano ng pagpapatalsik o pagpaslang kay Marcos kung hindi ito bababa sa puwesto pagsapit ng 2025.

Kabilang umano sa planong tinalakay ang sabotage, impeachment, civil disobedience at iba pang hakbang para mapatalsik ang Pangulo.

Iginiit naman ng kampo ni Vice President Sara Duterte, sa pamamagitan ng abogado nitong si Salvador Paolo Panelo Jr., na walang basehan at gawa-gawa lamang ang mga alegasyon.

(CHRISTIAN DALE)

82

Related posts

Leave a Comment