CLICKBAIT ni JO BARLIZO
HINDI tanggap ng grupo ng mga empleyado at stakeholders ng Bureau of Customs (BOC) ang pagkakatalaga sa naturang ahensya ng isang kaanak umano ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno.
Malinaw anilang paglabag sa prinsipyo ng Nepotismo ang pagtatalaga kay Intelligence Officer 3 Paul Oliver Nepomuceno – Pacunayen, umano’y pinsan ng BOC chief, bilang Field Station Chief ng Customs Intelligence and Investigation Service sa Port of Manila.
Kaya naman naghain ang mga ito ng reklamo kay Finance Secretary Frederick Go, at kinuwestyon ang Customs Personnel Order na nilagdaan ng Customs Chief.
Pagbibigay-diin ng mga nagrereklamo, nakasaad sa ilalim ng 1987 Constitution, ang anomang civil service appointments ay dapat nakabase sa merito at kakayahan at hindi sa personal o familial relationships.
Malinaw rin anila sa rules ng Civil Service Commission na pinagbabawalan ang appointing authority na bigyan ng paborableng appointment o pwesto ang kaanak na nasa loob ng “third degree of consanguinity” o “affinity”.
Sa ilalim naman ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act, ang mga public officer ay hindi dapat nagbibigay ng unwarranted benefits o pabor sa kanilang kamag-anak.
Malinaw ang isinasaad ng rules kaya hindi mo masisisi ang mga kumukwestyon sa pagtatalaga kay Pacunayen bilang hepe ng CIIS-POM.
Biruin mo, ang Port of Manila ay ikalawa sa pinakamalaki at pinaka-kritikal na international gateway sa bansa at dito nagaganap ang higit sa kalahati ng global trade.
Sa pagkakatalaga raw nitong si Pacunayen sa nasabing posisyon, ayon sa reklamo, ay may epekto sa revenue protection, border enforcement at sa tiwala ng publiko sa BOC.
Heto pa reklamo ng mga manggagawa at stakeholders, bakit daw ibinaba ng pwesto o na-demote ang opisyal ng BOC na si Troy Tan na mula sa pagiging Intelligence Officer 3 ay naging Intelligence Officer 1. Pero bumaba man ang posisyon aba’y parehong sahod naman daw ang tinatanggap nito na malinaw anilang paglabag sa CSC Rules patungkol sa hierarchy.
Kinalampag din mga nagrereklamo ang Department of Finance. Noong nakaraang December pa raw kasi nila inihain ang reklamo pero hanggang ngayon ay hindi pa ito naaaksyunan.
Kaysa nga naman patuloy na umasa sa DOF, nagpasya na rin ang mga complainant na iparating ang kanilang reklamo sa Office of the President, Office of the Ombudsman, Department of Justice, at National Bureau of Investigation. Baka nga naman mabigyang-pansin na ang kanilang mga hinaing.
Apela ng grupo, dapat agad imbestigahan ang kwestyonableng Personnel Order ng Customs Chief at patawan ng karampatang administrative at legal action ang mga opisyal na mapatutunayang nagkaroon ng paglabag.
106 