Malaking smuggling bust: 22 containers ng unsafe food, nasabat ng Aduana

PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA

SA gitna ng patuloy na banta sa kaligtasan ng pagkain sa bansa, muling pinatunayan ng Bureau of Customs (BOC) na hindi natutulog ang laban kontra smuggling nang masabat ang 22 abandonadong refrigerated containers na naglalaman ng umano’y kontaminadong frozen meat at isda na tinatayang nagkakahalaga ng P178 milyon.

Pinangunahan ni Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno ang inspeksyon sa mga kargamentong nagmula sa iba’t ibang bansa, kabilang ang Brazil, Netherlands, United States, United Kingdom, France, at Australia. Ayon sa ulat, naglalaman ang mga shipment ng frozen beef, pork, chicken, at isda na may kabuuang bigat na aabot sa 576,911.28 kilo.

Alinsunod ang operasyong ito sa direktiba ni Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang pagbabantay sa hangganan at tiyakin ang kaligtasan ng pagkain, lalo na sa pagpigil sa pagpasok at distribusyon ng mga mapanganib na imported na produktong agrikultural sa bansa.

Ayon sa Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), lumabas sa 10% spot-check na may seryosong problema sa cold chain conditions ng mga container. Dahil dito, natunaw ang mga laman ng kargamento, isang senyales na maaaring nalagay sa panganib ang kalidad at kaligtasan ng mga produktong dapat sana’y para sa konsumo ng publiko.

Ang ganitong sitwasyon ay hindi simpleng isyu ng logistics. Isa itong direktang usapin ng kalusugan ng mamamayan.

Kasunod ng masusing pagsusuri, naglabas ng Notices of Violation ang Bureau of Animal Industry (BAI) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa ilalim ng Department of Agriculture dahil sa paglabag sa Food Safety Act at iba pang regulasyon sa pag-aangkat ng karne at produktong agrikultural.

Dahil sa kabiguan ng importer na kunin ang mga shipment sa itinakdang panahon, idineklara ang mga ito bilang abandonado alinsunod sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA). Nakatakdang isailalim ang mga naturang produkto sa tamang disposisyon o pagtatapon.

Sa madaling salita, hindi lamang ito usapin ng smuggling o teknikal na paglabag. Usapin ito ng responsibilidad, at posibleng panganib sa milyun-milyong konsyumer kung nakalusot ang mga naturang produkto sa merkado.

Sa isinagawang inspeksyon noong Abril 14, 2026, sinabi ng hepe ng Aduana: “Isa talaga sa mga susi upang masawata ang pagpupuslit ng mga produktong pang-agrikultura ang maigting na pagbabantay ng BOC. Patunay rin ito na tuloy-tuloy at kongkreto ang ating mga aksyon at hakbang upang masiguro ang kaligtasan sa pagkain at ang mga pangunahing pangangailangan ng ating mga mamamayan.”

Mula 2025 hanggang sa kasalukuyan, nakapaghain na ang BOC ng kabuuang 72 kasong kriminal sa Department of Justice, kung saan 24 dito may kinalaman sa pagpupuslit ng mga produktong agrikultural, patunay ng kanilang mahigpit na pagpapatupad ng batas sa pamamagitan ng legal na aksyon at pag-uusig.

Ayon kay Felipe Geoffrey K. De Vera, patuloy na titiyakin ng pantalan na sumusunod sa legal, sanitary, at safety standards ang lahat ng inaangkat na produktong pagkain, alinsunod sa mandato ng BOC sa epektibong pagbabantay sa hangganan.

Sa panig ng pamahalaan, iginiit ng BOC na patuloy nitong palalakasin ang pagbabantay sa hangganan at pakikipag-ugnayan sa mga ahensya upang matiyak ang food safety. Ayon sa kanila, ang ganitong operasyon, patunay ng mas mahigpit na pagpapatupad ng batas at mas agresibong kampanya laban sa ilegal na pagpasok ng agricultural products.

Gayunman, ang tanong ng publiko ay nananatili: ilang ganitong kargamento pa ang maaaring nakalulusot kung walang mahigpit na inspeksyon?

Sa huli, paalala ang insidenteng ito na hindi lamang usapin ang smuggling ng ekonomiya o taripa. Direkta itong banta sa hapag-kainan ng bawat Pilipino, at sa mismong kalusugan ng bansa.

Hindi natatapos ang laban para sa food safety sa pagkakasabat. Nagsisimula ito sa mas mahigpit na sistema, mas mabilis na aksyon, at mas malinaw na pananagutan.

***

Kapuri-puri ang naging performance ng Bureau of Customs (BOC) dahil muling nalampasan ang target nito matapos makapagtala ng P84.426 bilyon na koleksyon noong Marso 2026, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang kita ng gobyerno at pagbutihin ang serbisyo publiko.

Sa paunang datos, nalagpasan ng BOC ang target na P83.237 bilyon ng P1.190 bilyon o 1.4%. Mas mataas din ito ng P4.067 bilyon kumpara sa koleksyon noong Marso 2025, na nagpapakita ng patuloy na pagtaas ng kita ng ahensya.

Ayon kay Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno, ang magandang performance ng BOC ay direktang napupunta sa mas maayos na serbisyo, imprastraktura, at mga programang panlipunan. Aniya, bawat pisong nakokolekta ay may konkretong pakinabang para sa publiko.

Kasabay ng gabay ni Finance Secretary Frederick D. Go, patuloy ang BOC sa pagpapatupad ng mga repormang nakatuon sa digitalization, transparency, at ease of doing business upang mas mapabuti ang pangongolekta ng kita at integridad ng operasyon.

Pinuri ni Commissioner Nepomuceno ang lahat ng District Collectors at frontline personnel sa buong bansa. Aniya, ang kanilang dedikasyon at tapat na serbisyo ang nagtulak sa tagumpay na ito. Tiniyak din niyang itutuloy ng BOC ang reporma sa ilalim ng IAM Program para sa mas episyente at makataong serbisyo.

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.

93

Related posts

Leave a Comment