200 KAWANI NG SABUNGAN BALIK TRABAHO NA

IKINATUWA ng humigit kumulang sa 200 trabahador ng isang sabungan sa Maynila na sinalakay ng mga pulis nang walang kaukulang search warrant, at nagpahayag ng pasasalamat na pumabor sa kanilang karaingan ang inilabas na writ of preliminary injunction na hiniling ng pamunuan ng Bienes De Manila Development Corporation para muling makabalik sa kanilang trabaho.

Nabatid na nagsimula nang muli ang operasyon ng Coliseo de Manila sa Vitas, Tondo kasunod ng isinagawang pagsisilbi ng Sheriff Office ng City of Manila Justiciary, ng ibinabang kautusan ng Manila RTC Branch na nag-aatas sa mga pulis na lisanin ang sinalakay na sabungan at hayaang pansamantalang maibalik ito sa may-ari at namamahala ng sabungan upang muling makapag-operate.

Ayon sa mga manggagawa ng Coliseo de Manila, simula pa noong Marso 25, 2026, sa gitna ng nararanasang hirap bunsod ng umiiral na energy crisis sa bansa dala ng giyera sa Gitnang Silangan, ay bigla silang nawalan ng trabaho dahil sa umano’y ilegal na pagsalakay ng mga pulis dahil sa kawalan nila ng cyber warrant kaugnay sa akusasyon na may nagaganap na online sabong sa nasabing cockpit arena at hindi naman umano napatunayan gaya ng pahayag ng abogado ng sabungan.

Una rito, naghain ang Bienes De Manila Development Corporation, ang kumpanya na siyang nagpapatakbo ng Coliseo de Manila, ng Application for Writ of Preliminary Injunction laban sa PNP-CIDG Regional Office-NCR, Manila Field Unit, na inakusahang sumalakay ng walang kaukulang warrant bukod sa mga paglabag at pang-aabuso sa kapangyarihan.

Biyernes ng hapon, naglabas ng apat na pahinang desisyon ang Manila RTC Branch 45, na pumapabor sa Coliseo de Manila na nag-aatas sa mga pulis na bakantehin ng mga nakabantay na mga tauhan ng PNP-CIDG ang sabungan at hayaan na muli itong pangasiwaan ng mga may-ari para muling makapag-operate.

Ayon sa isang nagpakilalang Daddy P, “Maraming umaasa sa sabungan kaya hindi natin maalis na matuwa sila sa pagpabor ng korte sa kanilang karaingan, katunayan balita pa lamang na muli nang magbubukas ang sabungan ay pila na ang mga nakiki-usap na baka maaaring makapag-advance sila o makabale muna ng pang-araw-araw na panggastos.”

Ayon kay Atty. Carl Jon P. Mucho ng Chavez Miranda Aseoche Law Offices, legal counsel ng nasabing cockpit arena, maituturing umanong ilegal ang nasabing raid dahil walang naiprisentang search o cyber warrant.

Sa inilabas na desisyon ng Manila RTC Branch 45, sinasabing nakapag-establish ang Bienes De Manila ng prima facie right to access, possess and use its premises sa Coliseo de Manila Cockpit Arena.

“The Court finds that the continued presence of defendants at the premises, coupled with the restrictions imposed on plaintiff’s access and use thereof, constitutes a continuing interference with plaintiff’s possessory rights,” ayon sa kautusan ng korte.

Subalit nilinaw rin ng hukuman na limitado ang saklaw ng inilabas na kautusan. Ang ipinagkaloob na relief ay limitado lamang sa pagpigil sa karagdagang panghihimasok sa pag-access at paggamit ng Bienes De Manila sa nasabing lugar.

Ipinahayag ng hukuman na hindi nito maaaring ipagkaloob ang kahilingan para sa ganap na pagbabalik ng pagmamay-ari, kontrol, at walang hadlang na operasyon ng Coliseo de Manila Cockpit Arena, gayundin ang lubos na pag-alis ng mga tauhan ng pulisya, sapagkat maari nitong ma-preempt ang pinal na pagresolba sa pangunahing kaso na nakahain.

Samantala, muling inulit ni Atty. Mucho na sila ay isang sabungan na nagsasagawa ng tradisyunal na sabong, wala silang online sabong at higit sa lahat ay suportado nila ang kampanya ng pamahalaan laban sa online sabong.

(JESSE RUIZ)

98

Related posts

Leave a Comment