INARESTO ng Bureau of Immigration (BI) ang isang puganteng Korean national na sangkot sa pagpapatakbo ng ilegal na online gambling operations.
Sa pakikipag-ugnayan sa Korean National Police Agency at Philippine National Police–Integrity Monitoring and Enforcement Group, inaresto ng mga operatiba ng BI Fugitive Search Unit (FSU) si Lee Jonghak, 37, sa isang subdivision sa Pamplona Dos, Las Piñas City.
Si Lee ay mayroong Interpol Red Notice na inilabas noong 2025, kaugnay ng arrest warrant na inisyu ng Incheon District Court sa parehong taon dahil sa paglabag sa National Sports Promotion Act ng South Korea na may kinalaman sa ilegal na online gambling operations.
Batay sa imbestigasyon ng Korean law enforcement, mula Agosto 2021 hanggang kamakailan, si Lee at ang kanyang mga kasabwat ay nagpatakbo ng hindi bababa sa 23 ilegal na online gambling websites mula sa iba’t ibang lokasyon.
Pinangangasiwaan umano ng grupo ang sports betting at mga larong kahalintulad ng casino, nagrerecruit ng mga miyembro, at nagpapadaloy ng mga transaksyong pinansyal na kumita ng mahigit KRW 5.33 bilyon. Tinatayang umabot sa higit KRW 350 bilyon ang kabuuang kita ng sindikato.
Ayon sa ulat, nagsilbi si Lee bilang assistant manager na nangangasiwa sa ilang operational teams na binubuo ng humigit-kumulang 300 empleyado. Patuloy pang iniimbestigahan ang eksaktong halagang kanyang personal na natanggap.
Batay sa rekord ng BI, huling dumating sa Pilipinas si Lee noong 2024 at pinayagang makapasok sa ilalim ng probationary permanent resident visa. Kalaunan, isinama siya sa blacklist at watchlist ng bureau bilang isang undesirable alien at pugante mula sa hustisya.
Binigyang-diin ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang matibay na paninindigan ng ahensya laban sa pagtatago ng mga dayuhang pugante.
Kasalukuyang sumasailalim ang nasabing indibidwal sa booking at documentation procedures at ilalagay sa BI Warden Facility habang hinihintay ang deportation proceeding.
(JOCELYN DOMENDEN)
96 