AT YOUR SERVICE ni KA FRANCIS
KAHIT na magsinungaling si Ramil Madriaga ay gagawin niya para lamang gumaan ang kanyang kinahaharap na kasong kidnapping, naging dahilan ng pagkakakulong niya ngayon sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Taguig City.
Matatandaan na nakulong si Ramil Madriaga, kasama ng iba pa niyang miyembro sa Madriaga kidnap for ransom group, matapos na maaresto sila sa kanilang hideout, ng Anti-Kidnapping Group ng Philippine National Police (PNP) kamakailan.
Sa nasabing operasyon ng mga kagawad ng pulisya, dalawang miyembro ng PNP at dalawa rin mula sa panig ng Madriaga kidnap for ransom group, ang nagbuwis ng buhay, ilang taon na ang nakalilipas.
Sa operasyon na ito ay nahuli si Madriaga kasama ang iba pang mga miyembro nito at nakumpiska sa kanila ang matataas na kalibre ng mga baril.
Hanggang ngayon ay nakakulong sila dahil ang kasong kidnapping ay walang piyansa.
Ayon kay Teresita Ang-See, founding chairman ng Movement for Restoration of Peace and Order, dalawang Chinese national na magpinsan na kapwa mga negosyante, ang biktima ng kidnapping ng grupo ni Madriaga.
Mula noong 2023, nang mahuli sila ng mga awtoridad at hanggang ngayon ay nakakulong sa BJMP Taguig City si Madriaga kasama ng iba pang miyembro nito.
Kung sinoman ang nasa likod ni Ramil Madriaga, marahil nalaman nila na may kaunting kaalaman ito kay Vice President Inday Sara Duterte, kaya kinausap ito na maging testigo laban sa pangalawang pangulo, kapalit ng pagpapababa sa kanyang kasong kidnapping.
Ayon kay dating Ombudsman Samuel Martires, sa orihinal na affidavit ni Ramil Madriaga ay hindi kasama ang kanyang pangalan, subalit sa supplemental affidavit nito ay nandoon na ang kanyang pangalan at sinasabing hinatiran siya ng P35 milyon sa Office of the Ombudsman.
Sinabi pa ng dating associate justice ng Korte Suprema, halatang pinilit na isama ang kanyang pangalan para palakasin ang kaso laban kay Vice President Inday Sara Duterte.
Sinabi pa ni Justice Martires, ang ginagawa ng House Committee on Justice ay “fishing expedition” kung saan ang ginagawa nila ay naglalatag ng lambat sa dagat para makahanap ng isda, subalit ang nahuhuli nila ay butete para gamiting testigo sa impeachment laban kay VP Sara Duterte.
Inakusahan din ni Martires na nagmumukhang ang House Committee on Justice na ang complainant ng impeachment laban kay VP Sara Duterte, dahil sila na ang naghahanap ng mga ebidensiya na gagamitin para palakasin ang kaso laban sa pangalawang pangulo.
Lumutang din si Bryan Lim, kaibigan ni Tanya Gaisano-Lee na gumawa ng painting, na sinasabi ni Madriaga na ibinigay niya kay VP Sara Duterte, na kanyang scholar mula sa Laguna.
Ayon kay Lim, si Tanya ay hindi taga-Laguna kundi taga-Cebu na nakatira ngayon sa Davao City at sila ang nagmamay-ari ng Gaisano Mall at maraming hardware sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Kaya imposible aniya, na magiging scholar ni Madriaga si Tanya Gaisano-Lee. Dagdag pa niya, kahit buong Laguna ay kayang bilhin ng pamilya ni Tanya.
Nagsalita rin si Atty. Ted Pastrana, Dean ng San Sebastian College of Law at sinagot din ang paratang ni Madriaga na kaya lang daw nakapasa si VP Sara Duterte sa paaralan ng kanyang kursong abogasya, ay dahil ginamit nito ang kanyang impluwensiya.
Pasaway rin daw si VP Sara Duterte noong estudyante pa ito sa San Sebastian College, na pinasinungalingan din ni Atty. Pastrana.
Naniniwala rin tayo sa sinasabi ni Atty. Pastrana dahil noong panahon na nag-aaral pa si VP Sara Duterte sa San Sebastian College, ay hindi pa naman presidente si Rodrigo Duterte na kanyang ama, para sabihing maimpluwensya na si Sara Duterte.
Iginiit din ni Atty. Pastrana na hindi nadadaan sa palakasan ang pag-aaral ng abogasya, sa halip ito ay pagalingan.
Sa katunayan, ang examination result na 80% ni Sara Duterte sa Bar ay maituturing na isa sa pinakamataas na grado.
Maging si Sen. Imee Marcos ay pinasinungalingan ang sinabi ni Madriaga na may usapang term sharing sina BBM at Inday Sara Duterte.
Kaya maraming naniniwala na kahit magsinungaling si Ramil Madriaga sa kanyang statement laban kay VP Sara Duterte, ay gagawin nito kapalit ng pagpapababa sa kasong kidnapping na kinahaharap niya ngayon.
-oOo-
Binabati natin ang mga nakapasa sa amature radio license ng National Telecommunications Commission (NTC) bilang Class D o foundation class mula sa Lokal ng Lawang Bato, Lokal ng Bagong Silang 9 at Lokal ng Camarin ng Iglesia Ni Cristo (INC).
Ganoon din, binabati rin natin ang pamunuan ng samahan ng Scan mula sa Caloocan North District sa pangunguna ni DCN1 President na si Patricio Salinas, Jr., kapatid na Fedz Velario, at iba pang kapatid na sumusuporta at nag-take ng exam sa matagumpay na pagsusulit noong nakaraang Miyerkoles. Kudos sa inyong lahat!
-oOo-
Para sa inyong katanungan, maaari po kayong mag-text sa cell# 0917-861-0106.
136 