DILG SEC. REMULLA NGANGA, PERGALAN SA BULACAN ‘DI KAYANG TIBAGIN?

Balitang ‘di Kanais-Nais ni CESAR BARQUILLA

BIGYAN muna natin ng masigabong palakpakan at isang mainit na saludo si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla sa naging matagumpay na kampanya para sa katahimikan ng sambayanan, dahil bumaba ng halos 5 porsyento ang kriminalidad sa buong bansa.

Umaabot na pala sa 60k katao ang naaresto sa pinaigting na kampanya ng DILG laban sa mga pasaway sa lansangan tulad ng curfew sa mga kabataan, pag-iinom sa mga kalsada, pagsusugal, videoke at ang higit sa pumukaw ng atensyon ng sambayanan ay ang mga kalalakihang nakahubad, ‘yung tipong walang suot na pang itaas na damit, sana magtuloy-tuloy at hindi ningas-kugon lang.

Siguro sa raming trabaho ng DILG at PNP, tila nakalimutan na nila ang mga KTV Bar, hindi lang sa Metro Manila kundi sa buong bansa, ay tila legal ang pagpapalabas ng bold show, ‘yung tipong hubo’t hubad ang katawan ni Eva para ipakita ang katambukan nito sa mga parukyano, hindi lang sa mayayamang negosyanteng Pinoy kundi pati na rin sa mga dayuhang turista at may bar fine pa. Hindi na siguro kailangan pang banggitin ng mga ka-Balitang ‘di Kanais-nais, ang pangalan ng mga beerhouse, banggitin natin ang APEIRO dyan sa Pasay na super sa mga ilegal na gawain, pakitang-gilas naman kayo, mga Sir, hindi ‘yung puros nakahubad sa kalsada ang target n’yo!

Sa rami ng mga naaresto, mga ka-Balitang ‘di Kanais-nais, ay bigyan po natin muli ng isang matikas na saludo at masigabong palakpakan ang DILG at PNP sa matagumpay nilang kampanya vs sa mga pasaway sa lansangan, kung kaya’t nais nating hamunin ang mga nabanggit na ahensiya sa Lalawigan ng Bulacan kung saan ay tila legal ang perya con sugalan (PERGALAN).

Gustong tumulong ng mga ka-Balitang ‘di Kanais-nais, kay DILG Secretary Remulla, upang ipaalam ang matagal nang inirereklamong pergalan sa Bulacan at kung saan-saan ito mga nakapuwesto.

Sec. Remulla Sir, para sa iyong kaalaman, ang Bayan ng Meycauayan sa may Saint Francis ay may mini carnival at ‘di mahulugang karayom ang nalolokong mga indibidwal sa pagsusugal tulad ng color games, drop ball at kung ano-ano pang suntok sa buwan kung mananalo ang isang mananaya, at isang alias “Egay” ang tumatayong may-ari ng ilegal na sugalan.

Hindi lang sa Meycauayan, Secretary Remulla, ang tila legal na pergalan na ito ay nasa Bakas, Marilao at isa namang “Adrian” ang may-ari nito, wala ring pinipiling parukyano, ‘pag may pangtaya maski menor de edad at estudyante ay pwede, ‘yung tipong pera-pera lang, walang personalan.

Sa Bayan naman ng Baliwag, isang nagngangalang “Aljon” ang siyang sinasabing may-ari ng pergalan, ang sistema naman nito, Sec. Jonvic, inaabot ng madaling araw ang labanan dito kung kaya’t walang curfew-curfew sa mga kabataan dahil sumasabay sila sa ginagawa ng matatanda, tanong asan ang mga pulis? Eh ‘di pag-abot ng tara ay alis agad ang mobile patrol.

Ipagbigay-alam na rin natin sa butihing Kalihim Jonvic Remulla, na tatlo pala ang naglalakihang pergalan sa Bayan ng Marilao bukod sa pergalan ni alias “Adrian” ay meron din pala sa Frenza na isang alias “Eddie” ang kinakausap para sa timbrehan, mula sa Brgy. officials at PNP para maging smooth ang galawan.

Bukod sa Saint Francis sa Meycauayan ay meron din palang inilagay na pergalan itong si Egay at ito ay nasa bisinidad ng Marilao Tulay, nakapagtataka lang kung bakit hindi ito magalaw-galaw ng kapulisan samantalang may kautusang ibinaba ang DILG at inatasan nito ang PNP na buwagin ang lahat ng klase ng mga ilegal na gawain.

Huwag na nating gambalain pa si Bulacan Governor Daniel Fernando dahil last term na niya ito, at posibleng hindi na aaksiyon pa ang problema ng lalawigan, maski na rin si PD Col. Jay Baybayan ay ‘di na rin ito dapat pang istorbohin sa kanyang tanggapan para ipatigil ang pergalan sa kanyang nasasakupan dahil nakahihiya sa mga opisyales ng pamahalaan at baka mawala ang mga parating.

113

Related posts

Leave a Comment