BOY KAMOTE NG QC, BILANG NA ANG MGA ARAW!

PUNA ni JOEL O. AMONGO

AYON sa nakalap nating impormasyon, itong si Wilfredo alyas “Boy Kamote” na residente ng Mayon St., sa District 1 ng Lungsod Quezon, ang nagpapakalat ng mga illegal na gawain sa buong siyudad.

Malakas daw ang loob nitong si Boy Kamote, kaya patuloy na namamayagpag ang kanyang mga negosyong illegal na may kinalaman sa sugal at droga.

Dati sa District 1 lang ng Lungsod Quezon ang ginagalawan ng mga illegal na negosyo ni Boy Kamote, subalit unti-unti niyang nakukupo ang anim na distrito ng Lungsod, mula Dist. 1 hanggang 6.

Pinatatakbo ni Boy Kamote sa buong Quezon City ang tinatawag na loteng, ito ay isang bookies na naka-angkla sa Small Town Lottery (STL).

Ang STL ay legal dahil may lisensiya ito sa gobyerno, subalit ang bookies nito na loteng ay illegal dahil hindi ito pinahihintulutan ng pamahalaan dahil kahalintulad ito ng jueteng.

Ang sugal na ito na pinatatakbo ni Boy Kamote, ay inirereklamo ng QCitizens partikular ng mga magulang dahil nalululong sa bisyong ito ang kanilang mga anak.

Dahil sa pagkalulong sa bisyong ito ng mga kabataan ng QC, ay marami sa kanila ang tumigil na sa kanilang pag-aaral.

Kamakailan, may nakarating na reklamo sa SAKSI NGAYON kaugnay sa illegal gambling at drugs activities ni Boy Kamote at ipinarating nila ito sa kaalaman ni Quezon City Police District (QCPD) Director PBGen. Randy Glenn Silvio.

Kalakasan umano ng operasyon ng mga illegal na negosyo ni Boy Kamote ay sa mga lugar ng Balintawak, Kamuning, at Riverside sa Commonwealth na pawang nasa Quezon City.

Gumagamit din ng mga pangalan o name dropping ng mga government official itong si Boy Kamote para sa pagpapalakas ng kanyang mga illegal na gawain.

Naniniwala tayo na hindi palalagpasin ni Gen. Silvio ang illegal na gawain ni Boy Kamote dahil isa rin siyang magulang at hindi niya papayagang malulong sa bisyong ito ang mga kabataan ng lungsod.

Ang mga bisyong ito ang sumisira sa kinabukasan ng mga kabataan ng QC, kaya dapat matigil na ang illegal na negosyo ni Boy Kamote.

Sa halip na ang usapin sa pag-aaral ang tutukan ng mga kabataan ng lungsod ay inuubos nila ang kanilang baon sa sugal na pinatatakbo ni Boy Kamote.

Sabi nga ni Dr. Jose Rizal, ang “Kabataan ang Pag-asa ng Bayan”, kaya kung hindi matitigil ang illegal na aktibidad ni Boy Kamote, ito ang sisira sa kinabukasan ng mga kabataan ng Quezon City.

Nakatanggap tayo ng impormasyon na nagsasagawa na raw ng ‘crackdown’ ang mga tauhan ng QCPD laban sa illegal na aktibidad ni Boy Kamote.

Kaya inaasahan natin mula sa araw na ito hanggang sa mga susunod, ay maaaresto ng mga awtoridad itong si Boy Kamote.

Ngayon pa lang ay nagpapasalamat na tayo kay Gen. Silvio sa kanyang pagsisikap na masugpo ang mga illegal na gawain sa buong lungsod. Mabuhay kayo, Sir!

-oOo-

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.

127

Related posts

Leave a Comment