Syanong Detektib
BAHAGYANG nakasilay ng pag-asa ang mga Pinoy matapos pumutok ang balita hinggil sa pag-aresto kay dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co sa bansang Czech Republic, dahil sa kawalan ng travel documents.
Ang totoo, malaking bentahe si Co sa kabi-kabilang imbestigasyon sa tinaguriang flood control scandal. Hindi biro ang kanyang partisipasyon sa malawakang katiwalian sa likod ng mga proyekto kontra baha ng pamahalaan.
Pag-amin ng dating kongresista, kasama siya sa plano at implementasyon ng pinakamalaking katiwalian sa ating kasaysayan.
Sakaling makabalik sa Pilipinas, pwede na niyang inguso ang kanyang mga amo lalo pa’t wala na naman mawawala sa kanya — naka-freeze na ang kanyang yaman, wala na rin siya sa pwesto at pihadong mas nanaisin niyang makabawi sa kanyang mga atraso.
Pero ang asam-asam na pagbabalik sa bansa ng dating kongresista, tila napurnada pa.
Dangan naman kasi, wala palang Red Notice na inilabas ang Interpol laban sa kanya. Ang dahilan — walang natanggap na formal request ang Interpol mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG) na pinamumunuan ni Jonvic Remulla.
Sa aking pagsasaliksik, buwan pa ng Setyembre kinukulit ng Department of Foreign Affairs (DFA) si Remulla para magsumite ng request sa Interpol. Pero hanggang ngayon, tila bantulot ang Kalihim.
Tinulugan nga ba ni Remulla ang pagpapadala ng request sa Interpol? O baka naman may nagmaniobra.
Buwan ng Nobyembre ng nakaraang taon nang hayagang tukuyin ni Co sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at dating House Speaker Martin Romualdez na aniya’y tumanggap ng higit pa sa kanyang tinamasang yaman. Detalyado ang kanyang kwento — halaga, petsa at lugar kung saan dinala ang parte ng mga bida sa Palasyo at Kongreso.
Bakit nga naman magre-request si Remulla ng Red Notice mula sa Interpol kung ikapapahamak ng kanyang mga amo?
Hindi totoong tinulugan ni Remulla ang pag-aapply ng Red Notice sa Interpol. Sadyang masunurin lang siya sa kanyang mga idolo sa larangan ng panggagantso.
114 