P8.9-M PETROLYO AT METHANOL NASAMSAM NG PNP-HPG SA CALOOCAN

ANIM na indibidwal ang inaresto ng mga operatiba ng Philippine National Police – Highway Patrol Group (PNP-HPG) matapos maaktuhan na nagsasalin ng produktong petrolyo sa Caloocan City.

Ayon kay HPG Spokesperson Police Lieutenant Nadame Malang, nagsasagawa lamang ng anti-carnapping operation ang mga tauhan ng HPG nang mapansin ang kahina-hinalang fuel tanker at kanilang sinundan.

Sa isang garahe, nahuli ang mga suspek na nagsasalin ng methanol patungo sa mga BIC containers.

“Nakita sa aktong nagsasalin sila ng methanol papunta sa mga containers, na bawal dahil mayroon tayong mga authorized depot para sa ganitong uri ng liquids,” ani Malang.

Narekober sa operasyon ang humigit-kumulang 10,000 litro ng methanol, 8,000 litro ng unleaded gasoline, 1,000 litro ng premium gasoline, at 1,000 litro ng hinihinalang diesel na tinatayang nagkakahalaga ng P8.9 milyon.

Nasamsam din ang 20 BIC containers, isang pump, at dalawang fuel hose.

Ayon kay Police Lieutenant Malang, ginagamit ang methanol bilang halo sa petrolyo upang mapabilis ang combustion, ngunit maaari itong makasira sa sasakyan kung hindi dumaan sa tamang proseso.

Ibinebenta umano ang mga produktong ito sa mga kalapit na lugar at dinadala rin sa ilang private trucking services.

Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng NCR Highway Patrol Unit ang mga suspek at nahaharap sa kasong illegal handling at possession of petroleum products.

(JESSE RUIZ)

77

Related posts

Leave a Comment