PAMAMAHAGI NG AYUDA SA BATANGAS NAUWI NA SA BANGAYAN

UMINIT ang tensyon sa pagitan ng Batangas Panlalawigang Liga ng mga Barangay (PLNB) at isang kongresista kaugnay sa implementasyon ng programang “Bawat Barangay Makikinabang” ng administrasyon.

Pinabulaanan ni PLNB President Fernando Rocafort ang alegasyon ni Batangas Representative Leandro Leviste na may diskriminasyon at korupsyon sa naturang programa.

Nauna nang nanawagan si Leviste sa Office of the President na magsagawa ng imbestigasyon matapos na hindi umano maisama ang hindi bababa sa 84 barangay sa kanyang distrito sa distribusyon ng tig-200,000 pisong ayuda, kasabay ng pagbisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Batangas.

Ipinunto rin ng kongresista na may impormasyon umanong may kaugnayan sa umano’y personal na alitan sa pamahalaang panlalawigan ang hindi pagsama ng ilang barangay sa programa.

Sa panig ni Rocafort, iginiit niyang walang katotohanan ang paratang at wala umanong sinomang barangay ang tinanggihan dahil sa anomang personal na dahilan.

Ayon pa sa kanya, may ilang kapitan mula sa unang distrito ang hindi nakadalo matapos umanong mapigilan at matakot dahil sa impluwensya mula sa kanilang kinatawan sa Kongreso.

Sa kabila nito, tiniyak ni Rocafort na tinulungan pa rin ng kanilang tanggapan ang mga apektadong barangay sa pagproseso ng kanilang mga dokumento sa Office of the President.

Nanawagan din siya na huwag gawing isyu ng pulitika ang barangay officials at iwasan ang anomang uri ng panggigipit laban sa kanila.

(NILOU DEL CARMEN)

99

Related posts

Leave a Comment