ARESTADO ang isang lalaki sa mga pulis matapos manghingi ng pera sa biktima para maisauli ang ninakaw na motorsiklo sa Antipolo City, noong Abril 25, 2026.
Kinilala ni PCol. Eleazar Barber Jr., provincial director ng Rizal Police Provincial Office, ang suspek na si alyas “Jim”, 25, at residente ng Teresa, Rizal.
Batay sa imbestigasyon, noong Abril 24, 2026 dakong alas-11 ng gabi nang iwan ng 27-anyos na biktima ang motorsiklo nito sa harap ng kanilang bahay sa Brgy. Dela Paz, Antipolo City.
Laking gulat nila nang pagdating ng kapatid ng biktima nang mag-uumaga na, ay natuklasan nilang nilooban sila at natangay ang 2 mobile phones at ang motorsiklo na gamit sa pamamasada ng biktima.
Kalaunan nakatanggap ang pamilya ng biktima ng mensahe mula sa suspek na humihingi ng pera kapalit ng pagbabalik ng mga ninakaw nito at nagbigay ng e-wallet number para roon ihulog ang pera.
Matapos i-report sa mga awtoridad, kaagad nagsagawa ng follow-up operation ang Antipolo Component City Police Station at natunton sa bahay nito ang suspek.
Narekober ng mga awtoridad ang lahat ng mga ninakaw ng suspek.
Kasalukuyang nakapiit ang suspek sa Custodial Facility ng Antipolo Component City Police Station para sa inquest proceedings kaugnay sa mga isasampang kaso laban dito.
(NEP CASTILLO)
115 