10-ARAW NA PAID LEAVE ITINUTULAK SA KAMARA

ISINUSULONG sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang dagdagan ang mandatory paid leave ng mga manggagawa sa bansa.

Inihain ni Parañaque City 2nd District Rep. Brian Yamsuan ang House Bill No. 6602 na layong itaas mula limang araw tungong sampung araw ang minimum annual paid leave benefit ng mga empleyado.

Ayon kay Yamsuan, makatutulong ang panukala upang maiwasan ang stress at burnout ng mga manggagawa, habang inaasahan ding tataas ang productivity at employee retention sa mga kumpanya.

“Our proposed measure reaffirms our commitment to fostering humane working conditions and supporting our labor force. Ang nakatalaga sa ilalim ng kasalukuyang batas na five days paid leave ay hindi na angkop sa working conditions natin ngayon,” ani Yamsuan.

Iginiit ng mambabatas na lipas na ang limang araw na Service Incentive Leave (SIL) sa ilalim ng Labor Code, na mahigit 50 taon nang umiiral at hindi na tumutugon sa modernong pangangailangan ng mga manggagawa.

Dagdag pa niya, nahuhuli na rin ang Pilipinas kumpara sa ibang bansa sa Southeast Asia pagdating sa dami ng paid leave credits.

Sa ilalim ng panukala, ang mga empleyadong may hindi bababa sa isang taong serbisyo ay magkakaroon ng karapatan sa 10 araw na paid SIL. Hindi naman saklaw nito ang mga empleyadong mayroon nang sapat na leave benefits, maliliit na kumpanya na may mas mababa sa 10 manggagawa, at mga establisyimentong exempted ng Department of Labor dahil sa pinansyal na kondisyon.

Nanawagan si Yamsuan sa kanyang mga kasamahan sa Kongreso na agarang aksyunan ang panukala bilang regalo sa mga manggagawa ngayong Labor Day.

“We urge our colleagues to swiftly act on our measure… as a belated but fitting gift for our workers this coming Labor Day,” aniya.

Si Yamsuan ay isa rin sa pangunahing may-akda ng House Resolution No. 426 na naglalayong repasuhin ang minimum wage sa bansa.

(TINA MENDOZA)

66

Related posts

Leave a Comment