DISMAYADO ang Malacañang sa kakulangan ng impormasyong ibinigay ng mga kinatawan ng France at Czech Republic hinggil sa puganteng si dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, bagama’t kinumpirma ng Chargé d’affaires ng Czech Republic sa Pilipinas na si Eva Tenzin na na-detain si Co dahil sa invalid travel documents, wala nang karagdagang detalye na ibinahagi ang mga ito.
“Noong sinabi po ito ng chargé d’affaires ng Czech Republic, iyon lamang po ang kinumpirma niya sa Pangulo… at maliban po diyan, humihingi pa po ng iba pang impormasyon ang ating Pangulo pero hindi na po napagbigyan,” ani Castro.
Dagdag pa niya, kahit si Justice Secretary Fredderick Vida na personal na nagtungo sa Czech Republic ay hindi rin nabigyan ng karagdagang impormasyon.
Ipinaliwanag ng Czech Republic na nakatali sila sa international, European, at national laws, lalo na kung may kinalaman sa posibleng aplikasyon para sa political asylum.
Dahil dito, inilarawan ng Malacañang bilang “very unsatisfactory” ang naging resulta ng pakikipagpulong, lalo na’t bigla umanong naputol ang daloy ng impormasyon habang nasa kustodiya pa ng Czech Republic si Co.
Sa kabila nito, tiniyak ng France at Czech Republic na mananatiling matatag ang bilateral relations sa Pilipinas at magbibigay sila ng impormasyon hangga’t pinahihintulutan ng kanilang mga batas.
Nilinaw rin ni Castro na walang ibinigay na detalye ang French Ambassador tungkol sa status ng asylum application ni Co, kaya pinabulaanan ng Palasyo ang mga espekulasyon na may itinatagong impormasyon ang gobyerno.
Sa pakikipagpulong ng Pangulo sa mga diplomat, iginiit nito na hindi dapat maging ligtas na kanlungan ng mga tumatakas sa batas ang ibang bansa, kasabay ng panawagan na pabilisin ang mga kasunduang may kinalaman sa extradition at legal cooperation.
Sa huli, tiniyak ng Pangulo na gagamitin ng pamahalaan ang lahat ng ligal at diplomatikong hakbang upang maibalik sa bansa si Zaldy Co at mapanagot sa mga kasong graft at malversation na kinahaharap nito.
(CHRISTIAN DALE)
57 