KUMPIYANSA si Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima na sapat na ang apat na Articles of Impeachment upang mapatalsik at tuluyang madiskwalipika sa public service si Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Rep. De Lima, na isa sa mga endorser ng reklamo, pinagsama-sama ang mga kaso sa apat na artikulo upang maging mas malinaw at diretso ang presentasyon ng ebidensya kapag umakyat na ito sa Senado.
“Kinondense na lang lahat para mas malinaw… para mas coherent, ‘yung mga similar grounds ay kinonsolidate na lang into one,” paliwanag ni Rep. De Lima.
Binigyang-diin ng dating Senadora na kahit isa lamang sa apat na articles ang mapatunayan ng mga senator-judges, sapat na ito para matanggal sa puwesto si Vice President Duterte at tuluyang ma-disqualify sa anomang posisyon sa gobyerno.
“Pag makarating na po ito sa Senado kahit isa lang pong article ang ma-uphold nila at ma-convict si VP Sara, that should be enough to remove her from office and permanently disqualify her,” ani Rep. De Lima.
Kabilang sa apat na Articles of Impeachment ang misuse o abuse of confidential funds, unexplained wealth, bribery at graft and corruption, at threats.
Isa rin sa mga isyung ibinunyag ni Rep. De Lima ang umano’y “failure to divest” ni Vice President Duterte, matapos umanong makita sa records ng Securities and Exchange Commission Philippines na nananatili siyang shareholder at board member ng Metro Chow Corporation kahit isa nang opisyal ng gobyerno.
(TINA MENDOZA)
94 