LOAN RELIEF ISINUSULONG NI VILLAR; PINALALAKAS SUPORTA NG SSS AT GSIS

ISINUSULONG ni Sen. Mark Villar ang paglikha ng mas sistematikong loan relief para sa mga manggagawang Pilipino at maliliit na negosyo sa gitna ng epekto ng krisis sa langis.

Sa pamamagitan ng Senate Resolution No. 366 at ng panukalang “RELIEF Act” (Senate Bill No. 2032), nananawagan ang senador sa mga government financial institution na magpatupad ng loan moratorium, grace period, at condonation ng penalties upang mabigyan ng “financial breathing room” ang mga apektadong sektor.

Sa isang pagdinig, kinilala ni Villar ang mga inisyatiba ng Government Service Insurance System (GSIS) ngunit iginiit ang pangangailangang suriin ang sustainability ng mga ito.

“Can GSIS update us on its Balik-Ginhawa program? Ilan na sa mga miyembro ang nag-avail at ano ang naging epekto nito sa fund health ng GSIS?” ani Villar.

Ayon sa GSIS, nakapagpalabas na ito ng P8.3 bilyon para sa mga kwalipikadong miyembro, na sumasaklaw sa tinatayang 1.085 milyong loan.

Samantala, sinabi ng Social Security System (SSS) na pinapayagan ang mga miyembro na mag-avail ng calamity loan bilang agarang tulong sa panahon ng krisis.

Hinimok ni Villar na maisama ang mga naturang hakbang sa isang mas malawak na recovery framework upang mapalakas ang pagtugon sa mga apektadong manggagawa at negosyo.

Layunin ng RELIEF Act na palawigin ang suporta sa pamamagitan ng grace period sa upa, loan restructuring, at mas madaling access sa low-interest credit, partikular para sa micro, small, and medium enterprises (MSMEs).

Binigyang-diin din sa pagdinig ang pangangailangang maging “proactive” ang mga financial safeguard sa halip na “reactive,” sa pamamagitan ng pag-aatas sa mga ahensiya tulad ng SSS, Pag-IBIG Fund, Land Bank of the Philippines, at Development Bank of the Philippines na magbigay ng mga kaukulang concession upang mapanatiling abot-kaya at accessible ang mga serbisyong pinansyal.

(DANNY BACOLOD)

114

Related posts

Leave a Comment