“MY instruction to OPAPRU is to check on the situation of the former rebel communities we are assisting in Bicol in light of the eruption of Mayon Volcano, and to ensure that appropriate support is provided as needed.”
Ito ang inihayag ni Presidential Peace Adviser Mel Senen Sarmiento matapos na ipinag-utos ang mahigpit na koordinasyon sa Department of Social Welfare and Development at local government units na tumulong sa mga dating rebelde na apektado ng pag-aalburuto ng Bulkang Mayon.
Inatasan ni Presidential Peace Adviser Mel Senen Sarmiento ang Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity (OPAPRU) na makipag-ugnayan sa DSWD at kaukulang Local Government Units (LGUs) upang matiyak na ang mga dating combatant at non-combatant ng CPP-New People’s Army (NPA), ay mabibigyan ng agarang suporta matapos ang kamakailang pagsabog ng Bulkang Mayon.
“Ang aking utos sa OPAPRU ay suriin ang kalagayan ng mga dating rebelde sa Bicol na ating tinutulungan, kaugnay ng pagsabog ng Bulkang Mayon, at tiyakin na maibigay ang angkop na suporta kung kinakailangan.”
Sabi pa ni Sarmiento, layunin ng ahensya na ipakita ang tunay na malasakit hindi lamang sa mga dating rebelde kundi pati sa mga pamayanang minsang sumuporta sa kanila.
“Hindi tayo magiging malayo o walang pakialam. Sa aktibong pag-abot at pagbisita sa kanila, ipinapadala natin ang malinaw na mensahe: hindi sila nakalimutan, sila ay mahalaga, at patuloy na magiging mahalaga sa atin,” dagdag pa ni Sarmiento.
Ayon sa tala, mayroong 42 dating rebel combatants na kinilala ng Joint AFP-PNP Intelligence Committee (JAPIC) at 15 Former Rebels’ People’s Organizations (FR-POs) na binubuo ng 403 non-combatant members sa Albay.
Upang maiwasan ang dobleng aksyon, ipinaliwanag ni Sarmiento na kapag natukoy na ng OPAPRU field office ang mga apektado, agad itong makikipag-ugnayan sa DSWD at LGU para magsagawa ng rapid needs assessment.
Ang lahat ng tulong ay maitatala bilang opisyal na assistance na dumaan sa DSWD at LGU, alinsunod sa whole-of-government approach ng administrasyong PBBM.
Tiniyak din ng Peace Adviser na ang lahat ng emergency relief at socio-economic support ay ipadadala sa tamang channel ng pamahalaan upang masiguro ang kahusayan at transparency.
Ang interbensyong ito ay kaakibat ng pangako ng administrasyong Marcos Jr. hinggil sa sustainable reintegration at peacebuilding, na nagbibigay ng buong suporta sa mga dating rebelde na nagbalik-loob sa pamahalaan, lalo na sa panahon ng kalamidad at emerhensiya.
(JESSE RUIZ)
121 