SUPORTADO ng economic managers ng pamahalaan ang panukalang KALINGA Bill na layong maglatag ng national safety net laban sa epekto ng pagtaas ng presyo ng langis at posibleng supply disruptions.
Sa pagdinig ng House Ad Hoc Committee on Legislative Energy Action and Development (LEAD), tinalakay ang House Bill No. 8834 o ang Komprehensibong Alalay sa Livelihood, Inflation, Negosyo at Goods Assistance (KALINGA) Program.
Ayon kay Acting Budget Secretary Rolando Toledo ng Department of Budget and Management (DBM), napapanahon ang panukala dahil sa banta sa energy security dulot ng tensyon sa Middle East.
Sinabi niya na magbibigay ang panukala ng limitadong emergency powers sa Pangulo upang mapabilis ang pagtugon sa krisis at matiyak ang tuloy-tuloy na serbisyo.
Ikinumpara naman ni Department of Finance Undersecretary Karlo Fermin Adriano ang panukala sa Bayanihan laws na naging tugon ng pamahalaan noong COVID-19 pandemic.
Suportado rin ito ng Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) at ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), na nagsabing makatutulong ang panukala upang mapanatili ang macroeconomic stability sa gitna ng external shocks.
Sa kasalukuyan, pinagsasama-sama na ng LEAD Joint Committee ang mga rekomendasyon upang mabuo ang pinal na bersyon ng panukalang batas.
(TINA MENDOZA)
68 