ISINUSULONG ni Davao Oriental 2nd District Rep. Cheeno Miguel Almario ang mas mabigat na parusa laban sa mga mapang-abuso sa hayop sa pamamagitan ng paghahain ng House Bill No. 9126.
Sa ilalim ng panukala, papatawan ng lifetime ban o habambuhay na pagbabawal sa pagmamay-ari ng hayop ang sinumang mapatutunayang nagkasala ng animal cruelty.
Layon din ng panukala na magtatag ng National Animal Offender Registry upang masubaybayan ang mga lumalabag sa batas at mapigilan silang muling makapagmay-ari o makapag-ampon ng hayop.
Target ng HB 9126 na amyendahan ang Republic Act No. 8485 o Animal Welfare Act of 1998 sa pamamagitan ng pagdaragdag ng perpetual ownership ban bilang accessory penalty bukod sa kasalukuyang parusang pagkakakulong at multang mula P30,000 hanggang P100,000.
Ayon kay Rep. Almario, may malaking kakulangan sa umiiral na batas na dapat nang matugunan para sa mas matibay na proteksyon sa mga hayop.
Sa ilalim ng panukalang National Animal Offender Registry, magsisilbi itong verification database upang hindi na makabili o makapag-ampon ng hayop ang mga kabilang sa “blacklist” mula sa pet shops, breeders, shelters at maging sa private sales.
Plano rin ni Rep. Almario na makipagtulungan sa mga animal welfare organizations tulad ng Philippine Canine Club, Inc. at Feline Council of the Philippines, Inc. para sa mas mahigpit na monitoring at implementasyon ng panukala.
(TINA MENDOZA)
83 