Red notice rumors itinanggi ni Sec. Remulla EJKs MULING IIMBESTIGAHAN, BATO TARGET NG SUBPOENA

NGAYONG Lunes ay maglalabas ng subpoena ang Philippine National Police para maimbitahan ang nagtatagong si Senator Ronald Bato Dela Rosa kaugnay sa muling pagbubukas ng imbestigasyon sa mga kaso ng extra judicial killings.

Inanunsyo ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na maglalabas ng subpoena ang PNP upang muling siyasatin ang mga kasong extrajudicial killings (EJKs) noong hepe pa ng Davao City Police at pangkalahatang pinuno ng PNP si Sen. “Bato” Dela Rosa.

Agad na nilinaw ni Remulla na “in aid of investigation” ito at hindi pag-aresto ang pagpapatawag kay Dela Rosa sa PNP, kasunod ng utos na ituloy ang imbestigasyon sa higit 100 EJK related complaints na idinidikit sa anti-drug operation sa Davao.

Ayon pa kay Remulla, ang imbestigasyon ay mula sa mga kaso ng EJK na lumitaw sa imbestigasyon ng Quadcom nitong nakalipas na taon.

Sa ginanap na press conference sa Camp Crame, nilinaw ni Remulla na ang nasabing hakbang ay bahagi ng lawful domestic investigation na isinasagawa ng mga awtoridad ng Pilipinas at walang koneksyon sa International Criminal Court (ICC).

“This is merely a subpoena in aid of investigation and not an arrest warrant,” sabi pa ni Remulla.

“We decided to do this the proper way, to investigate in the proper way, and to debunk all rumors that have been circulating.”

Samantala, ibinasura ng kalihim ang mga haka-haka na naglabas na ng red notice o arrest warrant ang International Criminal Police Organization (Interpol) laban kay Bato dela Rosa, at wala rin aniyang nakakasang manhunt operation laban sa senador.

“There is no copy of any red notice. We deny all rumors na may red notice,” sabi pa ng kalihim.

Hindi naman nilinaw ni Remulla kung may iba pang personalidad na kabilang sa iimbestigahan.

(JESSE RUIZ)

81

Related posts

Leave a Comment