PINAYUHAN ni Senador Robinhood Padilla ang kapartidong mambabatas na si Senador Ronald Bato dela Rosa na huwag munang lumitaw o magpakita sa gitna ng isyu na nagpalabas umano ng warrant of arrest ang International Criminal Court.
Nilinaw naman ng ICC na wala silang inilalabas na warrant of arrest laban kay dela Rosa.
Sinabi ni Padilla na kung sa lokal na korte may kaso si dela Rosa ay agad niya itong isusuko pero hindi niya papayuhang sumuko ang kasamahan sa isang banyagang korte.
Kinumpirma rin ni Padilla na sa kabila ng pagtatago ni dela Rosa ay napupuntahan niya ito sa tuwing kailangan siya ng kaibigang senador.
Katunayan, kamakailan lamang anya ang huli nilang pagkikita kasabay ng paggiit na walang problema kay Bato kung alisin ang kanyang sahod at allowances sa Senado.
Binigyang-diin ni Padilla na kahit hindi pumapasok si Bato ay nagtatrabaho ang opisina nito at katunayan ay nakapaghain ito ng mga panukalang batas.
(DANG SAMSON-GARCIA)
74 