KINUWESTYON ni Atty. Ariel Inton ang usapin kaugnay sa posibleng pagbibitiw ni Vice President Sara Duterte habang nakabinbin ang impeachment proceedings laban dito.
Ayon kay Inton, dapat ding ikonsidera ang posibilidad na mabakante ang posisyon ng pangulo habang nagpapatuloy ang impeachment case laban sa bise presidente.
“Bakit resignation ni VP Sara ang senaryo habang may impeachment? Paano naman kung nagkaroon ng vacancy sa presidente? Di ba si VP Sara ang magiging presidente kahit may impeachment proceedings?” ani Inton.
Ipinaliwanag niya na magkakaiba ang pananaw ng mga abogado, political analysts at mga politiko hinggil sa magiging epekto kung magbibitiw si Duterte habang may impeachment.
May ilang nagsasabing magiging moot and academic ang kaso kapag wala na sa puwesto ang opisyal na ini-impeach, habang ang iba naman ay naniniwalang maaari pa rin itong ituloy dahil may kaakibat na parusang perpetual disqualification from public office.
Binanggit din ni Inton ang probisyon ng Saligang Batas sa ilalim ng Article VII, Section 8 na nagsasaad na sa oras ng pagkamatay, permanent disability, removal from office o resignation ng pangulo, awtomatikong hahalili ang bise presidente para tapusin ang natitirang termino.
“So ano mangyayari sa impeachment ni VP Sara as vice president kung siya na ang presidente? Di ba’t moot and academic na dahil ang articles of impeachment ay bilang vice president? O itutuloy pa dahil sa may disqualification to hold public office?” ani Inton.
Tinukoy rin niya ang Article XI, Section 3(7) ng Konstitusyon na nagsasabing ang hatol sa impeachment cases ay maaaring magresulta sa pagtanggal sa puwesto at disqualification sa paghawak ng anomang posisyon sa gobyerno.
“So, sa mga umaasang magre-resign si VP Sara bilang vice president, mukhang kailangan din nilang paghandaan kapag nabakante ang presidente during the impeachment process. Mahaba pa ang laban at maraming maaaring mangyari sa pulitika ng bansa. Mga pangyayaring pwedeng magiging bahagi ng kasaysayan,” dagdag pa ni Inton.
49 