TAHASANG sinabi ni Department of National Defense Secretary Gilbert Teodoro na wala silang namo-monitor na anomang destabilization activities kaugnay ng impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.
“Sa ngayon, involving active duty members, wala kaming namo-monitor at ‘yun lang naman ang tinututukan namin,” ayon kay Sec. Teodoro.
Sinabi rin ng kalihim na nananatiling professional ang hanay ng militar sa gitna ng mga political issues.
Nilinaw ni Teodoro na hindi na saklaw ng kanilang kagawaran ang mga retiradong sundalo at malaya na umano ang mga itong magpahayag bilang ordinaryong mamamayan.
Gayunman, tiniyak ng kalihim na karamihan sa mga retiradong sundalo ay hindi nakikisalamuha sa mga grupong sangkot sa anti-government activities.
Pinasalamatan din ni Teodoro ang mga retiradong sundalo sa kanilang suporta sa mga programa ng Department of National Defense kaugnay ng external at internal security.
Kamakailan ay naglabas din ng liham ang Association of Generals and Flag Officers bilang suporta sa posisyon ni Sec. Teodoro laban sa muling pagbubukas ng national peace talks sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front.
Ayon sa grupo, hindi na kailangan ang panibagong peace talks dahil “at peace” na umano ang bansa at ginagamit lamang ito ng mga rebelde upang makakuha ng konsesyon at palakasin ang kanilang puwersa.
(JESSE RUIZ)
80 