PULIS TIKLO SA P.7-M DROGA SA PAMPANGA

ISANG pulis na kabilang sa drug watchlist, ang naaresto sa buy-bust operation na isinagawa ng Police Regional Office 3 (PRO3) sa Lungsod ng San Fernando, sa Lalawigan ng Pampanga nitong Mayo 12, 2026.

Ang suspek na isang 28-anyos na patrolman na nakatalaga sa Mexico Municipal Police Station sa Pampanga, ay naaresto dakong alas-11:49 ng umaga sa Purok 5, Brgy. San Jose, Lungsod ng San Fernando, Pampanga.

Ang operasyon kontra ilegal na droga ay magkatuwang na isinagawa ng Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) ng Pampanga Police Provincial Office bilang lead unit, kasama ang Provincial Intelligence Unit (PIU) at City of San Fernando Police Station, sa pakikipagtulungan ng Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 3.

Nakumpiska ng mga awtoridad ang humigit-kumulang 105 gramo ng pinaghihinalaang shabu na may Standard Drug Price (SDP) na P714,000.00.

Binigyang-diin ni PRO3 Director PBGen. Jess B. Mendez na ang matagumpay na operasyon ay nagpapakita ng matibay na pangako ng organisasyon sa internal cleansing at pananagutan sa hanay ng pulisya.

“Ang pag-aresto sa isang pulis na kasama na sa drug watchlist ay nagbibigay ng malinaw na mensahe na walang sinoman ang nakahihigit sa batas. Anoman ang ranggo o posisyon, ang mga lumalabag sa batas ay haharap sa mga kahihinatnan ng kanilang mga aksyon. Alinsunod sa Focused Agenda ng ating Chief PNP, PGen. Jose Melencio C. Nartatez Jr., patuloy na palalakasin ng PRO3 ang panloob na disiplina, paiigtingin ang mga operasyon laban sa ilegal na droga, at pananatilihin ang integridad ng organisasyon,” sabi ni PBGen. Mendez.

Tiniyak din niya sa publiko na mananatiling walang humpay ang PRO3 sa pagsasampa ng mga kasong kriminal at administratibo laban sa mga nagkasalang tauhan bilang bahagi ng patuloy nitong pagsisikap na mapanatili ang propesyonalismo, pananagutan, at tiwala ng publiko sa loob ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas.

(ELOISA SILVERIO)

93

Related posts

Leave a Comment