IPINAHAYAG ni Senador Mark Villar ang buong suporta nito sa Senate Bill No. 1894 o panukalang magpapalakas sa implementasyon ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act.
Bumoto pabor si Villar sa panukala at nagpahayag din ng intensyong maging co-author nito kasabay ng pagbibigay-diin na hindi lamang libreng matrikula ang problema ng maraming estudyante kundi maging ang pang-araw-araw nilang gastusin.
“Marami pa ring kabataang Pilipino ang nangangarap makapagtapos ng kolehiyo ngunit hirap na hirap matustusan ang kanilang pang-araw-araw na gastusin sa pag-aaral,” ani Villar.
“Hindi lamang tuition ang problema ng ating mga estudyante—malaking hamon din ang gastos sa pagkain, pamasahe, school requirements, at iba pang pangangailangan habang nag-aaral,” dagdag pa nito.
Ayon sa senador, layunin ng panukala na gawing mas makabuluhan at mas madaling maabot ang educational assistance ng gobyerno lalo na para sa mga estudyanteng mula sa mahihirap at batayang sektor.
Sa ilalim ng panukala, higit pang palalakasin ang Tertiary Education Subsidy o TES program sa pamamagitan ng mas malinaw at maayos na sistema sa pagtukoy ng mga kwalipikadong benepisyaryo.
Layunin din nitong tiyakin ang maagap na pagpapalabas ng subsidiya, mapanatili ang tuloy-tuloy na suporta sa mga iskolar at regular na masuri ang halaga ng subsidiya.
“Kaya mahalagang maisabatas agad ang panukalang ito upang mas maraming estudyante ang makapagtuloy at makatapos ng kanilang pag-aaral. Nais nating mabawasan ang bilang ng mga kabataang napipilitang huminto sa pag-aaral dahil lamang sa kakulangan sa pera,” ani Villar.
“Kapag sapat ang suporta sa edukasyon, mas makakapagpokus ang ating mga estudyante sa pag-abot ng kanilang mga pangarap at sa pagtataguyod ng mas maayos na kinabukasan para sa kanilang sarili at kanilang pamilya,” dagdag pa niya.
(DANNY BACOLOD)
72 