HINDI uurungan ni Senator Francis ‘Kiko’ Pangilinan si Senator Robinhood Padilla matapos itong magbanta na magsampa ng ethics complaint laban sa kanya kaugnay umano ng pagsigaw sa sesyon ng Senado.
Ayon kay Pangilinan, handa rin siyang maghain ng kontra-reklamo sa Ethics Committee laban kay Padilla dahil sa umano’y paglabag sa parliamentary rules, pagiging out of order at kawalan ng proper decorum.
Nag-ugat ang tensyon sa plenary session noong Martes habang tinatalakay ang Senate Resolution 44 na nagsasaad na dapat idaan muna sa local court ang anomang warrant of arrest mula sa foreign entity.
Sinabi ni Padilla na dapat humingi ng paumanhin si Pangilinan sa mismong sesyon upang marinig umano ito ng kanyang asawa, mga anak at mga kapatid.
Tinangka rin umanong kamayan ni Pangilinan si Padilla nang mag-break ang sesyon ngunit hindi ito tinanggap ng senador-aktor.
Iginiit naman ni Pangilinan na hindi katanggap-tanggap ang anomang pagbabanta, pananakot at paninindak sa loob ng plenary session kahit naka-recess ito.
“Mas may basehan ang kaso sa pasiga-siga, pambabastos at kawalan ng proper decorum sa kapwa senador,” diin ni Pangilinan.
Binigyang-diin pa nito na sa tagal niya sa Senado at sa dami ng sigawan at pagtataas ng boses sa plenaryo, ngayon lamang umano magkakaroon ng ethics case dahil sa ganitong insidente.
Pinayuhan din ni Pangilinan si Padilla na huwag maging “balat-sibuyas” kasabay ng pagsasabing walang legal na basehan at “walang kuwenta” ang ethics complaint laban sa kanya.
“Ayaw ko ng away at hindi ako palaaway pero hindi ko aatrasan ang sinuman,” ani Pangilinan.
(DANG SAMSON-GARCIA)
66 