Kasama sa iniimbestigahan ng NBI, PNP SENATE SHOOTING PALABAS LANG

KASAMA sa iniimbestigahan ng National Bureau of Investigation at Philippine National Police ang alegasyong “palabas lamang” o staged ang nangyaring gulo at putukan sa Senado noong Miyerkoles.

Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, kasama sa lahat ng anggulong sinusuri ng mga imbestigador ang posibilidad na itinanghal lamang ang insidente.

“Well, that is part of an ongoing investigation. Ipinapasok naman po lahat iyan. Sa ngayon po, magkatulong ang NBI at PNP. Rerebyuhin natin iyong mga footages kung may mga CCTV at gagamitin natin ang ating forensic capabilities para malaman kung ano talaga ang nangyari,” ani Matibag sa press briefing sa Malakanyang.

Sinabi naman ni PNP spokesperson Police Brigadier General Randulf Tuaño na hindi pa nila maaaring sabihin kung staged o hindi ang nangyari dahil lahat pa ng anggulo ay sinusuri.

“Hindi po natin sinasabi na staged o hindi iyong nangyari. Kasama po lahat ng anggulo na tinitingnan ng PNP,” ayon kay PBGen. Tuaño.

Kinuwestiyon din ng Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM) ng PNP ang hindi umano pangkaraniwang trajectory ng mga bala.

“Sinasabi nga natin, tinitingnan natin iyong mga katanungan ng DIDM kung bakit mataas iyong trajectory ng bala,” dagdag ni PBGen. Tuaño.

Aniya, forensic examination lamang ang makapagsasabi kung saan talaga nanggaling ang mga putok.

Inatasan na rin ang lahat ng personnel na present sa insidente, kabilang ang security forces, na sumailalim sa paraffin test.

(CHRISTIAN DALE)

99

Related posts

Leave a Comment