KOKONTRAHIN ng Office of the Solicitor General (OSG) ang petisyon ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa sa Korte Suprema.
Ito ang kinumpirma ng OSG sa pamamagitan ng ipinalabas na statement kaugnay ng isyu.
Ayon sa OSG magsusumite sila sa Supreme Court ng sagot sa inihaing urgent motions ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa laban sa posibleng pag-aresto at paglipat sa kanya kaugnay ng warrant ng International Criminal Court (ICC).
“The Office of the Solicitor General (OSG), as the statutory counsel of the Government, shall file, on behalf of all respondents in G.R. No. 278747, the appropriate Comment to Senator Ronald ‘Bato’ M. Dela Rosa’s Urgent Manifestation with Omnibus Motion and Extremely Urgent Supplemental Manifestation with Motion, both dated May 11, 2026,” ayon sa pahayag ng Solicitor General nitong Huwebes.
Ito ay matapos bigyan ng SC sa loob ng hindi na mapalalawig na 72 oras ang mga respondent para magkomento sa petisyon ni Dela Rosa.
Ayon sa OSG, ihahain nila ang kinakailangang komento bago mag-6:44 p.m. sa Mayo 16, 2026.
Sa mosyon ni Dela Rosa, hiniling niya sa SC na pigilan ang anomang pag-aresto, pagdetine, o paglilipat kaugnay sa imbestigasyon ng umano’y drug war killings.
Inatasan din ng Korte si Dela Rosa na magsumite ng reply sa loob ng 72 oras matapos matanggap ang komento ng mga respondent.
(JULIET PACOT)
54 