Makabayan bloc ‘kung totoong nakatakas’ si Bato MONUMENTAL BLUNDER AT KAWALAN NG HUSTISYA

MARIING kinondena ng Makabayan bloc ang umano’y pagtakas ni Senador Ronald dela Rosa mula sa Senado kasunod ng paglabas ng arrest warrant laban dito mula sa International Criminal Court.

Sa joint press statement nina ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Jane Elago at Kabataan Rep. Renee Louise Co, tinawag nilang “monumental blunder” at malaking sampal sa mga biktima ng war on drugs ang insidente.

“The fact that a person wanted by an international tribunal for crimes against humanity could slip out of a heavily secured government institution is a major failure of the Marcos Jr. administration and the Senate leadership,” ayon sa grupo.

Iginiit ng Makabayan bloc na hindi lamang simpleng security lapse ang nangyari kundi malinaw umanong indikasyon ng umiiral na impunity para sa mga makapangyarihan.

Duda rin ang grupo na posibleng ginamit bilang diversionary tactic ang napaulat na barilan sa paligid ng Senado upang makalabas si dela Rosa.

Hiniling din nila sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gamitin ang lahat ng paraan upang matunton at maaresto si dela Rosa para harapin ang kanyang kaso sa The Hague.
“Hindi dapat maging kanlungan ng mga pinaghihinalaang kriminal ang Senado,” ayon sa grupo.

Tiniyak Na May Mananagot

Samantala, tiniyak ni PNP Chief Jose Melencio Nartatez Jr. na may mananagot sa naganap na putukan sa loob ng Senado nitong Miyerkoles ng gabi.

Ayon kay Nartatez, agad niyang inatasan ang Criminal Investigation and Detection Group upang magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa insidente.

Matatandaang napaulat ang sunod-sunod na putok ng baril sa Senado kasunod ng mga ulat hinggil sa tangkang pag-aresto kay Senador dela Rosa matapos umano ang paglabas ng warrant mula sa ICC kaugnay ng kampanya kontra droga ng nakaraang administrasyon.

Inatasan din umano ng PNP chief ang mga awtoridad na tiyaking mapapanatili ang lahat ng ebidensya at makipag-ugnayan sa Senate Sergeant-at-Arms para ma-secure ang posibleng mahalagang impormasyon.

Partikular ding inutusan ang National Capital Region Police Office na kunin ang mga CCTV footage, radio communications at entry logs na makatutulong sa imbestigasyon.

Subpoena bubuhayin ng PNP

Inihayag naman ni PNP spokesperson Randulf Tuaño na bubuhayin ng pulisya ang subpoena laban kay Senador Ronald dela Rosa matapos maiulat na nakalabas na ito ng Senado nitong Huwebes ng madaling-araw.

Matatandaang binawi ng Philippine National Police ang subpoena bilang respeto umano sa institusyon ng Senado.

Nauna nang pinapaharap ng CIDG si dela Rosa sa Camp Crame noong Mayo 14 kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y extrajudicial killings, ngunit hindi ito natuloy matapos magpalabas ng letter of recall.

Nilinaw naman ni Tuaño na hindi pa maaaring arestuhin ng PNP si dela Rosa kahit may warrant na umano mula sa ICC.

Ayon sa opisyal, hindi pa nagbibigay ng direktiba ang National Central Bureau ng Interpol at ang Philippine Center for Transnational Crime hinggil sa usapin.

(TINA MENDOZA/TOTO NABAJA)

57

Related posts

Leave a Comment