ANTI-DYNASTY BILL PIPIGIL SA PAMAMAYAGPAG NG MGA PAMILYA SA LGU – REP. ADIONG

BINIGYANG-DIIN ni House Committee on Suffrage and Electoral Reforms chairperson Zia Alonto Adiong na layon ng isinusulong na Anti-Political Dynasty Act sa Kamara na tuldukan ang sabay-sabay na pagkontrol ng magkakamag-anak sa mga local government unit (LGU).

Sa gitna ng deliberasyon para sa House Bill No. 8389, ipinaliwanag ni Rep. Adiong na layunin ng panukala na pagbawalan ang magkakadugo na maglingkod nang sabay sa iisang lokalidad upang maiwasan ang monopolya sa kapangyarihan.

“Hindi na po puwede sabay na manungkulan si misis at si mister. Si misis at iyong kanyang anak, si nanay at si tatay. Yun po ang sigurado na wala pong possible manipulation ng internal resources ng ating mga LGU,” ani Rep. Adiong.

Ang pahayag ni Rep. Adiong ay tugon sa interpellation ni Navotas City Rep. Toby Tiangco na nagpahayag ng agam-agam kung magagarantiya ng panukala ang limitasyon sa dami ng miyembro ng pamilya na maaaring manalo sa eleksyon.

Sa ilalim ng panukala, bawal tumakbo o humawak ng posisyon nang sabay ang magkakamag-anak hanggang second degree of consanguinity o affinity sa iisang lugar.

Kasalukuyang nakabinbin ang panukala para sa ikalawang pagbasa.

Iginiit ni Rep. Adiong na mawawala ang posibilidad na magsama-sama sa puwesto ang magkakamag-anak na madalas umanong nagiging ugat ng impluwensya at access sa resources ng LGU.

“Ang kasiguraduhan po dito sa panukalang batas ay wala nang posibilidad ng manipulation ng internal resources ng LGU,” dagdag pa ni Rep. Adiong.

Siniguro rin ng mambabatas na maingat na binuo ang panukala upang magkaroon ng balanse sa pagitan ng political reform at demokratikong karapatan.

Itinuturing ni Rep. Adiong na isang “malaking step forward” ang bill upang maipatupad ang anti-political dynasty provision ng Konstitusyon na matagal nang nakabinbin.

Pangunahing may-akda ng panukala sina House Speaker Faustino Dy at House Majority Leader Sandro Marcos, kasama ang 173 iba pang co-authors.

Itinuturing din itong priority measure ng Legislative-Executive Development Advisory Council at ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr..

(TINA MENDOZA)

48

Related posts

Leave a Comment