ALEGASYON NI VP SARA SA ‘TERM EXTENSION’ NI PBBM TINABLA NG MALAKANYANG

BINATIKOS ng Malakanyang ang umano’y “baseless at unsubstantiated” na pahayag ni Vice President Sara Duterte kaugnay sa umano’y pagtatangkang palawigin ang termino ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pamamagitan ng Charter change.

“Mas nakakahiya sa ngayon ang magkomento pa sa mga walang basehan at walang sustansyang pahayag ni VP Sara Duterte,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa isang kalatas.

Ito ang naging tugon ng Palasyo sa alegasyon ni VP Sara na ang mga pinakahuling political developments ay bahagi umano ng patuloy na hakbang para baguhin ang government structure upang manatili sa puwesto si Pangulong Marcos kahit matapos ang kanyang termino sa 2028.

Ayon sa ulat, sinabi rin ni VP Sara na ang planong impeachment laban sa kanya, ang pagpapatupad ng arrest warrants ng International Criminal Court laban sa kanyang mga kaalyado, at ang umiigting na political tensions ay bahagi umano ng kalkuladong hakbang para pahinain ang oposisyon.

Inakusahan din ni VP Sara ang administrasyong Marcos na ginagamit umano ang government resources para sa demolition job laban sa kanya, kasabay ng pagsusulong ng constitutional amendments upang mapalawig ang political power ng Pangulo.

Tinukoy rin ni VP Sara ang naging pahayag umano ni Pangulong Marcos sa isang panayam ng Bloomberg hinggil sa planong talakayin ang Charter change, na para sa kanya ay indikasyong nais pa nitong manatili sa puwesto.

Gayunman, ipinagkibit-balikat lamang ni Castro ang umano’y “misinformation at disinformation” ni VP Sara.

“Ang kailangan natin ay isang public servant na nagseserbisyo sa bayan at taumbayan at hindi iyong ang alam lang ay gumawa ng intriga at fake news,” diin ni Castro.

(CHRISTIAN DALE)

96

Related posts

Leave a Comment